ANO nga ba ang batayan ng pagpili ng mga bagong kapartido?
Pangalan, tagal sa pulitika?
Ito ngayon ang tanong kung bakit nasa Liberal Party na ang angkan ng Dimaporo ng Lanao Del Norte.
Kahapon nanumpa na si Governor Khalid Dimaporo bilang bagong miyembro ng LP, kasama ang 14 alkalde sa naturang lalawigan.
Dalawang buwan nang kasapi sa LP si Dimaporo at ayon kay Rep. Mel Sarmiento ng LP, pormalidad na lang daw ang seremenya kahapon sa LP headquarters sa Cubao.
LP may have earned an ally in the Dimaporo clan but may be slowly loosing the trust of someone who has stayed long in the party as member of the LP’s National Directorate. I am referring to Abdullah S. Mangotara, a long time LP member and currently an Associate Commissioner at the Bureau of Immigration.
Maaaring hindi kasing tunog ng pangalang Dimaporo ang Mangotara ngunit ilagay natin panandalian ang ating sarili sa kanyang posisyon. Matagal ka nang kasapi ng LP – tapat, tumulong, nagtaguyod ng linya ng partido. Tapos, ngayon merong gustong pumasok sa partido. Tinangka mong pigilan dahil kalaban mo sa pulitika, pero pinapasok pa rin sa tahanang ikaw ang naunang naging kasapi.
Hindi lang basta tumutol si Mangotara. Hindi lang politika ang dahilan niya. Isinulat niya ang iba pang mga kadahilanan gaya nang mga kinakaharap na kaso ng mga Dimaporo na may kinalaman sa fertilizer fund-scam at paggamit sa isang kuwestiyunableng NGO na anino at template ng kung paano nagamit sa PDAF noon ang mga NGO ni Janet Lim Napoles.
Simple lang ang dahilan ni Mangotara: Ang pagpasok ng mga Dimaporo ay maaaring makaapekto sa imahe ng “Tuwid na Daan” na isinusulong ng administrasyong Aquino at mismo ng partidong Liberal.
Hindi lang isang beses sumulat si Mangotara sa kanyang mga kasama sa LP. Nakadalawang beses na sulat siya sa pangulo, ikatlo kay Interior Secretary Mar Roxas (president on leave ng LP).
Ngunit malinaw na ang walang puwang, walang bigat ang katwiran ni Mangotara sa kanyang mga kasamahan.
Kung ang paniniwalaan ay ang sabi ni Rep. Sarmiento, tapos na ang alitan ng dalawang kampo.
Sabi sa akin ni Sarmiento, “They have settled their differences. He (Mangotara) was informed of the oath-taking.”
Sige pagbigyan na natin si Sarmiento kung iyon ang gusto niyang ipapaniwala sa atin, pero nandoon pa rin ang tanong sa una: ano nga ba ang batayan ng partidong tulad ng Liberal Party sa pagtanggap ng mga bagong miyembro o kapartido?
Hindi na ito bago. Maging ang anak ni dating Senate President Jovito Salonga na matagal nang kasama sa partido Liberal, ay minsang tumakbo ngunit hindi nakakuha ng suporta sa sariling partido.
Kung nagkasundo na sina Dimaporo at Mangotara, ito ang sagot sa akin mismo ni Mangotara: “Tinawagan ako ni Sec. Mar (Roxas), so ano pa nga ba ang magagawa ko? Ang mahalaga, naipaabot ko sa kanila ang mga dapat nilang malaman at kung sa kabila ng mga kaso at reklamo ng katiwalian laban sa mga Dimaporo ay tinanggap pa rin sila, ano nga ba ang magagawa ko pa?”
Mahirap nga sigurong isara ang pinto sa apelyidong Dimaporo lalo na at isang lalawigan sa Muslim Mindanao ang pinag-uusapan.
Pero nasaan na ang prinsipyo ng “tuwid na daan”? Kailan ba ito dapat ipairal at kailan dapat isantabi na lamang?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.