Ni Rodrigo Manahan
ARSON ang isa sa mga anggulo na iimbestigahan ng Bureau of Fire Protection kaugnay sa mahigit 30 oras na sunog sa Ever Gotesco Grand Central Mall sa Caloocan.
Kahapon ay personal na inatasan ni Department Interior and Local Government Sec. Jesse Robredo si BFP director Chief Supt. Carlito Romero na bumuo ng team na magsasagawa ng imbestigasyon.
Isa sa mga nais malaman ng kalihim ay kung sinadyang sunugin ang nasabing mall.
Sinegundahan ito ni Caloocan Mayor Enrico Echiverri na kailangang ma-bigyang-linaw ang mga kumakalat na kuwento na sinadya itong sunugin ng mga taong may kinalaman sa mall upang matakasan ang kanilang obligasyon.
May mga lumutang ding reklamo ang mga pamatay-sunog, ani Robredo, na hindi agad pinapasok ang mga ito ng mga sekyu kaya kumalat ang apoy.
Sa pinakabagong ulat ng BFP, aabot na sa 17 bumbero ang nasugatan sa insidente. Walo rito ay volunteers at siyam ay mula sa BFP.
Aabot ng 2 araw?
Naniniwala naman ang mga awtoridad na posibleng maulit sa Gotesco Grand Central ang naganap na dalawang araw na sunog sa Ever Gotesco department store sa Monumento noong 1991.
Bagama’t idineklara nang fire under control ang sunog ay patuloy pa ring naglalagablab ang nasabing mall.
Base sa rekord, nasunog ang Ever Gotesco noong Oktubre 24, 1991, at tumagal ng dalawang araw at kalahati bago naapula ang apoy.
Back to normal
Balik na sa normal ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1, isang araw matapos isara ang Monumento platform dahil sa kapal ng sunog ng katabing mall.
Alas-5 ng umaga kahapon nang magbalik sa operasyon ang LRT-1 Monumento Station, ani LRT Administration spokesman Hernando Cabrera.
Kamakalawa ay isinara ang nasabing platform kaya hindi nagsakay at nagbaba ng pasahero ang mga tren na patu-ngong Roosevelt.
Matatandaang nagsimula ang sunog alas-10:45 ng gabi ng Biyernes sa Rusty Lopez outlet sa ground floor ng apat na palapag na gusali.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.