Kylie inulan ng swerte nang hiwalayan si Aljur
AMINADO si Kylie Padilla na may pagkatanga siya sa pagdating sa love. Sey ng dalaga ni Robin Padilla, matapos ang break-up nila ni Aljur Abrenica, hindi pa raw siya handang pumasok sa bagong relasyon.
May bagong lalaking nali-link ngayon kay Kylie – si Rayver Cruz na katambal niya ngayon sa bagong suspense-horror movie ng Regal Entertainment na “Dilim” directed by Joey Reyes.
Pero sabi nga ng dalaga, mas mabuting maging magkabigan muna sila ni Rayver at mas makilala pa ang isa’t isa. Sabi nga ni Kylie sa isang interview, “Ang problema kasi sa akin, tanga ako pag nai-in-love, eh.
Kaya ayoko muna talaga. Pero kung sa tingin ko, eh, worth it yung guy, malay natin, di ba? Ha-hahaha!” In fairness, bagay na bagay sila ni Rayver at sa ilang litratong naglabasan para sa promo ng “Dilim”, marami ang nagsabi na magkamukha na raw sila.
Halatang kinikilig naman si Kylie kapag napag-uusapan si Rayver, lalo na nu’ng makorner siya ng ilang reporters pagkatapos ng presscon ng “Dilim” kamakailan.
Natanong nga ang dalaga kung hindi pa siya nade-develop sa ex-boyfriend ni Cristine Reyes? “Okay naman si Rayver, mabait siya, very gentleman.
Wala sa kanya yung parang, ‘artista ‘yung image ko…na dapat ganito ako.’ Kaya madali ko siyang nakasundo. Kaya lang, masyado pa talagang maaga para sabihing, alam n’yo ‘yon?” chika pa ni Kylie.
Dagdag pa niya, “Rayver is not a shooting friend. Hindi nagtatapos sa movie ang friendship namin. I feel his sincerity and respect. But let’s not jump into conclusion! Mas okay na friends muna.
Mas maganda yung may ganu’ng foundation.” Napansin namin na mula nang magkahiwalay sila ni Aljur, ay nagsunud-sunod na ang pagdating ng magagandang projects kay Kylie, bukod nga sa pelikulang “Dilim” at sa kanyang kauna-unahang album na “Seasons” under GMA Records (kung saan meron din siyang ilang compositions), ibinigay din sa kanya ng GMA ang isang napakahalagang role sa history-serye na Illustrado kasama ang GMA Prince na si Alden Richards.
“I am blessed too dahil sunud-sunod ang magagandang trabaho sa akin. The feeling is great at hindi ko idi-disappoint ang taong nagtitiwala at sumusuporta sa akin!” ani Kylie.
Mula nang payagan ng ama na si Robin na sundan ang yapak niya sa showbiz, nabiyayaan ng programang nagmarka sa manonood ang performance ni Kylie.
Hinangaan ang action skills niya sa Joaquin Bordado, ang kakikayan niya sa Tween Hearts at madadrama niyang mga eksena sa The Good Daughter, Unforgettable at ang huli niyang fantaserye na Adarna.
Inisip ng marami na ang tanging pasaporte ni Kylie sa pagpasok sa showbiz ay ang pagiging anak ni Robin. Mula kasi sa pag-aaral sa Australia, nanaig sa young actress ang dugong-showbiz kaya hinanap niya ang kapalaran sa makulay at masalimuot na mundo ng showbiz.
Luckily, binigyan ng break si Kylie ng GMA at hindi naman sila nagkamali upang i-develop ang kaalaman niya sa pag-arte dahil positibo ang pagtanggap sa mga projects na ginawa niya.
Bukod sa acting and singing, isa ring martial arts artist si Kylie. Well-trained siya sa ilalim ng ama. Isa rin siyang advocate, action star (na ipinakita sa Adarna) at total performer.
But more than being a total artist, nananalaytay din ang pagiging anak ni Kylie kay Robin, kapatid kina Queenie at Ali, isang mabait na apo kay Mommy Eva at higit sa lahat, bilang isang member ng isa sa mga showbiz royal clan.
Sa ilang taon ni Kylie sa showbiz, dumating na rin siya sa puntong nakadama siya ng ups and downs, sa career man o sa pag-ibig. But just like a true Padilla, tumatatag siya sa pagdaan ng panahon at handa nang patunayan sa madlang pipol na siya na nga ang next most important star ng bagong henerasyon.
Ngayon, mas matatag na si Kylie. Handa na siyang harapin ang hamon ng bagong sigla sa career. Sa ngayon, busy si Kylie sa promo ng “Dilim” na showing na nga sa Oct. 22.
Bukod dito, nakatakda rin siyang isama sa isa pang Joey Reyes movie na “Tsinoy.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.