MATITIGIL lang ang mga espekulasyon sa usapin ng term extension ni Pangulong Aquino kung mismong siya ang pormal, malinaw, depenido at esaktong magsasalita na hindi na niya gugustuhin pa ng isang termino bilang pangulo ng bansa.
Para patunayan ito, kailangang magpatawag si Ginoong Aquino ng isang pulong balitaan — sa harap ng telebisyon at radyo, ay buong tapang na harapin ang taumbayan at kanyang sabihin na sapat na ang anim na taon na panunungkulan, at hindi na siya maghahangad ng isa pang termino.
Madaling sabihin ang, “ayaw ko na ng term extension”.
O, di tapos! Kung gagawin ito ni G. Aquino, ang lahat ng usapan at espekulasyon hinggil sa pagpapalawig ng kanyang termino ay tiyak na maglalaho.
Ang mga naghahangad na ayaw umalis sa kanilang kinalalagyan ngayon sa Palasyo ay tiyak na titigil na sa kanilang kasusulsol sa pangulo na tumakbong muli sa darating na halalan.
Kasabay nito, ang mga sulsol at urot sa hanay ng mga kaalyadong pulpol na politiko, partikular na sa Liberal Party, ay matitigil na rin sa pagsusulong ng term extension ni G. Aquino.
Pero kung patuloy lamang na tatakamin ni G. Aquino ang publiko hinggil sa kung naghahangad pa siya o hindi na ng term extension, isang malinaw itong basehan na gusto niyang mangapa sa dilim ang taumbayan.
At sa sandaling magpatuloy pa na mangyari ito, tiyak na dadami at madaragdagan pa ang mga panawagan ng kanyang mga kaalyado na muling bigyan ng pagkakataon ang usapin ng term extension.
Kung inaakala naman ni G. Aquino na makabubuti ito sa kanyang administrasyon ay nagkakamali siya.
Ang hindi malinaw na pahayag sa term extension ay maaring magdulot lamang ng galit laban kay G. Aquino. Ang dating mga kaalyado, silang mga nanguna sa People Power 1 laban sa diktaduryang Marcos ay unti-unting magkakaisa para harangin ang term extension ni G. Aquino.
Gugustuhin pa ba ng pangulo na mangyari ito? Hindi dapat sayangin ni G. Aquino ang ipi-nunla ng kanyang mga magulang na makamit ang demokrasya na ngayon ay tinatamasa ng sambayanan.
Malinaw ang isinasaad ng Konstitusyon sa usapin ng panunungkulan ng pangulo. Isang termino ka lang.
Imbes na isulong ang term extension, makabubuting ilaan na lamang ni G.Aquino ang nalalabing mga buwan ng kanyang termino sa pagpapabuti ng kapakanan ng mahihirap at bigyan sila ng maaayos na serbisyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.