MAY tanong po ako sa PhilHealth ko. Wala pa po akong napasukang trabaho kaya nagpunta ako sa PhilHealth para kumuha ng number ko kasi ay kailangan ko sa paga-apply ng trabaho.
Kailangan daw pong mag-enrol ako kasabay ng payment ko sa isang quarter bilang individually paying member.
Ang kaso ay wala akong pambayad. Bumalik na lang daw ako kapag may pambayad na ko.
Ngayon ay may papasukan na ako kaso pinapakuha muna ako ng PhilHealth number ko bago daw ako tanggapin ng pinapasukan kong employer.
Ano ba ang tama? Hindi ba ang employer ko na ang kukuha ng number para sa akin? Nag-pass na po ako sa employer ko ng PMRF. Sana po ay mapaliwanagan ninyo ako. Salamat po.
Jani Pineda
REPLY:
Pagbati mula sa Team PhilHealth!
Patungkol po ito sa katanungan ni Jani Pineda hinggil sa pagpaparehistro sa PhilHealth.
Ayon po sa polisiya, katungkulan po ng isang employer na iparehistro sa PhilHealth ang kanyang mga bagong empleyado sa loob ng 30 araw mula sa unang araw ng pagtatrabaho.
Punan lamang po nang tama at kumpleto ang PhilHealth Member Registration Form (PMRF) at ibigay sa inyong employer
upang sila ang magsumite nito sa tanggapan ng PhilHealth.
Ipapadala po ng PhilHealth sa inyong employer ang Health Insurance Card na nagtataglay ng PhilHealth Identification Number (PIN) at ang kopya ng Member Data Record (MDR) kung saan nakalista ang mga qualified dependents.
Samantala, ang mga walang trabaho ay maaring magparehistro sa ilalim ng Informal Economy o bilang isang Individually Paying Member.
Magsumite ng napunan ng tama at kumpleto na PMRF sa alinmang tanggapan ng PhilHealth. Ang kontribusyon ng Informal Economy ay P600 kada kwarter o P2,400 kada taon.
Maari rin naman po na magparehistro online. Mag-log on lamang po sa www.philhealth.gov.ph , piliin ang Online Services sa homepage at i-click ang Electronic Registration at sundin ang mga hakbang sa pagpaparehistro. Isumite rin po online ang scanned copy ng applicable supporting documents na kailangan.
Kung online nagparehistro, ipadadala ng PhilHealth ang PIN at MDR sa email address na inyong ginamit. Ang ID card naman ay maaring kunin sa alinmang Local Health Insurance Office (LHIO) ng PhilHealth.
Kung kayo po ay may mga karagdagang katanu-ngan, maari po kayong mag-email sa [email protected] o tumawag sa aming call center (02) 441-7442 at malugod po namin kayong paglilingkuran.
Salamat po.
CORPORATE
ACTION CENTER
Website: www.philhealth.gov.ph
Twitter: @teamphilhealth
Facebook: www.facebook.com/PhilHealth
Call Center: 441-7442
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa [email protected], [email protected] or [email protected].
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.vvv.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.