SA Oct. 13 na kailangang magsumite ng kanilang rejoinder affidavit sina Derek Ramsay at Mary Christine Jolly matapos ngang mapurnada ang mediation at settlement sa pagitan ng dalawang panig.
At dahil dito, pinahintulutan na ng fiscal na dumidinig ng kaso na ipa-file na ang reply affidavit ni Christine laban sa asawa. “Tuloy ang laban,” ang pahayag ng kampo ni Christine na diumano’y sobrang nainsulto sa isyung pineperahan lang niya si Derek, base na rin sa mga naging pahayag nito sa huli niyang interview.
“Kung tutuusin ay masyadong maliit ang inaalok nilang halaga kumpara sa kahihiyan at pang-iinsulto na ginagawa nila. For the longest time ay hindi nagsasalita ang babae at kailan lang naman in-acknowledge ni Derek ang anak niya after some series of paternity tests.
“Tapos kung magsalita siya ay parang bahagi na siya ng paglaki ng bata ever since? Nakakainsulto, di ba? ‘Yung rights ng bata na ma-recognize at mabigyan ng equal treatment ang inilalaban namin dito hindi ‘yung patatahimikin daw kami dahil sa pera at kalilimutan ang lahat? Bakit, sino ba ang nagsimula ng lahat ng ito?” ang sunud-sunod na himutok ng kampo ni Mary Christine.
Ang one-liner pa nga raw ng ina ng anak ni Derek, “And enough with the tears. Enough with the drama.” Sa kabilang banda naman ay simpleng, “I need to fight!” ang naisagot ni papa Derek sa mga hirit ng ex-wife.
Ayon pa sa aktor, posibleng meron lang daw mga taong nagpapagulo sa sitwasyon. At dahil anak daw niya ang higit niyang tinitingnan at inaalala, willing daw si papa Derek na lunukin at tanggapin ang lahat para lang maipakita niyang karapat-dapat siyang maging ama ng bata.
Hindi lang daw kasi siya binibigyan ng chance ng dating asawa na magawa ‘yun kaya rin umabot sila sa demandahan. Itutuloy na lang ni Derek ang paglaban sa korte dahil nga sa mga dagdag na demands ni Mary Christine na aniya’y hindi na makatarungan.
Sa nasabi pa ring hearing sa sala ni Asst. Prosecutor Erwin Dimayacyac ng Makati Prosecutor’s Office noong Huwebes, nagkaroon pala ng mainitang tagpo sa pagitan ng mga abogado nina Derek at Mary.
Nagkainitan sina Atty. Joji Alonso (legal counsel ni Derek) at Atty. Argee Guevarra (for Mary Christine) dahil narinig umano ng huli na tinawag siyang “ass***le” ng kampo nina Atty. Joji at naramdaman pa niyang tinangka siyang sunggaban ng partner nitong counsel, kaya raw sinigawan niya ito.
Nangyari ‘yun habang inaayos ang petsa ng pagsusumite ng kanilang rejoinder affidavit. Halos gusto na rin umanong kuyugin ng ilang supporters ni Derek si Mary Christine dahil sa panggigipit nito sa aktor.
Abangan na lang natin ang mga susunod na episode sa mala-teleseryeng buhay nina Derek at Mary at kung anu-ano pang baho ang ibabato nila sa isa’t isa sa pagpapatuloy ng kanilang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.