MULA nang simulan ang Final Four format sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ay hindi pa pala nakakatikim ng panalo ang National University Bulldogs sa yugtong ito!
Nabago lang ito noong Miyerkules nang talunin ng fourth-ranked Bulldogs ng top ranked Ateneo Blue Eagles, 78-71, upang makapuwersa ng do-or-die game sa susunod na Miyerkules para sa ticket sa best-of-three championship series.
Ang Blue Eagles ay pumasok sa Final Four na may twice-to-beat advantage bunga ng pangyayaring naging No. 1 team ito sa elims sa kartang 11-3.
Nasungkit naman ng NU Bulldogs ang ikaapat na puwesto matapos na mamayani kontra University of the East, 51-49, sa isang playoff.
So, llamado ang Ateneo.
Or so it seems.
Sa elimination round ay hindi tinalo ng Ateneo ang NU. Sa katunayan, sa tatlong talo ng Blue Eagles sa elims, dalawa ang galing sa NU.
Ibig sabihin, kahit na may twice-to-beat advantage ang Blue Eagles ay hindi sila puwedeng magmalaki sa Bulldogs!
At iyon nga ang nangyari. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapagmalaki dahil hindi pa rin nila tinatalo ang Bulldogs. Bale 3-0 na ang record sa pabor ng NU!
Parehas na ang laban sa susunod na Miyerkules at wala nang may bentahe.
May psychological advantage nga lang ang Bulldogs dahil sa kanilang paniwala ay kayang-kaya nila ang Blue Eagles!
History ang nakataya para sa NU at kay coach Eric Altamirano. Kasi nga, ang tagal-tagal nang hindi nakakarating sa Finals ng Bulldogs. Hindi na nga natin maalala kung kailan huling nakarating sa Finals ang NU at kung anong taon sila huling nagkampeon.
Puwede ko sanang i-research iyon dahil sa madali namang i-type ito sa Google. Pero tinatamad ako, e.
Sapat na ang sabihin na sa aking gunita (pero hindi ko inabot ang panahon na ito ha!) nagkampeon ang NU noong panahon ni Narciso Bernardo na siyang itinuturing na pinakamatinding basketball player na nagmula sa eskuwelahang iyon. (Of course, sasabihin ng iba na si Danilo Ildefonso iyon!).
Hindi ko naman maipagkukumpara dahil hindi ko naman inabot si Bernardo. Coach na siya nang makilala ko siya, e.
Ang maganda lang sa achievement ng NU ngayon ay para bang hindi naman inaasahan ng lahat ang pangyayaring ito lalo’t iniwan sila ni Bobby Ray Parks kahit na may isang taon pa sana ito para maglaro.
Sa halip na magmukmok o manghinayang sa kawalan, nagsilbi itong challenge para kina Altamirano at sa mga Bulldogs.
Nasa panig ng NU ang bentahe, ang momentum, ang gutom.
Tingnan natin kung maitatala nila ang kasaysayan!
* * *
Happy birthday kina Aleona Denise Santiago at Pia Tiu Lanete na nagdiriwang ngayon, Setyembre 26. Gayundin kina Nikki Gocuan, Djalma Arnedo, Potit de Vera, Raymond Valenzona (Sept. 27), Vergel Caliwliw, Jason Misolas (Sept. 28), Mozzy Ravena, Rene Maghari, Doug Kramer, Ariel Vanguardia, Ali Atienza (Sept. 29), Kristina Maralit, Rodolph Cannu (Sept. 31), Jonathan Hernandez (October 1) at Miakka Lim (Oct. 2).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.