Isolated case? Susme! | Bandera

Isolated case? Susme!

Lito Bautista - September 05, 2014 - 03:00 AM

KAPAG ang pulis ang gumawa ng krimen, kailangan pa raw imbestigahan ang insidente. Kapag totoo ngang sabit, at hindi dawit, sa krimen ang pulis, “isolated case” lang daw ito, anang opisyal ng National Police. Matagal na nating binabanggit ang pangalan ng opisyal ng PNP at nakauumay nang banggitin na naman ang kanyang pangalan na walang kakukwenta-kwenta ang serbisyo sa taumbayan na nagpapasuweldo sa kanya.

Noong panahon ni Avelino Razon Jr., maingat siyang maghusga na “isolated case” ang krimen na ginawa ng pulis. Ang krimen na ginawa ng pulis ay nagiging “isolated case” sa mata ng hepe kapag ito’y ibinalita ng media at nanggagalaiti sa galit ang taumbayan dahil sa karumal-dumal na ginawa ng sana’y alagad pa ng batas.

Pero, paano ang mga krimen na ginawa ng mga pulis na hindi ibinalita sa media? Sa mata ng hepe ay walang naganap na krimen kaya walang “isolated case.” Pero, hindi batayan ang krimen ng pulis na ibinalita sa media. Ang krimen ng pulis ay higit na batid ng kanyang biktima. Mahabang panahon ang pagtitiis at pagsasawalang-kibo ng kanyang biktima dahil hindi ito na-media at walang kakampi at walang nakikidalamhati na taumbayan sa biktima. Habambuhay niyang dala ang hapdi ng pangyayari, na mismong pulis pa ang gumawa. O kung namatay naman ang biktima ay habang buhay na dala ng kanyang mga mahal sa buhay at kamag-anak ang kaapihan na dinanas mismo sa kamay ng sana’y magtatanggol sa kanya.

Noong panahon ni Fidel Ramos bilang hepe ng PC-INP (Philippine Constabulary-Integrated National Police), hindi panakot sa abusadong mga kawal at pulis ang ipatatapon sa Mindanao. Ginagawa talaga ito at biglang bumabait ang abusadong mga kawal at pulis pagdating sa Mindanao. Ngayon ay hindi na natatakot, at wala nang kinatatakutan, ang abusadong mga pulis. Sumasabak sa masaker ang abusadong mga pulis, nanggagahasa, nanghoholdap ng mga bangko, nagiging bayarang riding in tandem. Hindi sila natatakot masibak dahil madali namang makabalik sa puwesto. Tulad ng abusadong mga pulis sa Tacurong City, palagi silang merong kakamping makapangyarihan. “Isolated case.”

“Isolated case” pa rin ba ang pagkakaaresto kay PO3 Domino Alipio, na nagpapa-lending, namaril ng apat na guro at tatlo sa Pangasinan National High School sa Lingayen, Pangasinan? Napatay ni Alipio, gamit ang pistola at riple, sina Florenda Flores, guro ng Labrador National High School; Jonalito Urayan, Acedillo Sison at Linda Sison.

“Isolated case” ba ang pagkakahuli kay SPO1 Michael Lescano, sa kasong kidnaping at pagpatay kay Raff Rufino Katigbak? Ang bangkay ni Katigbak ay natagpuan sa ilalim ng tulay sa Barangay Santo Toribio, Lipa City. Si Lescano ay nakatagala mismo sa tanggapan ni Alan Purisima.

“Isolated case” ba ang pagkakadakip kay PO2 Edgar Angel, pulis-Pasay, sa kasong pagtutulak ng droga at pagpatay sa car racer na si Ferdinand “Enzo” Pastor?

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Ako po’y pnagnakawan ng bayarang babae sa Monumento, Caloocan. Hindi na ako nagsumbong sa pulis dahil baka malaman ni misis. Naniwala ako sa bugaw, na traffic enforcer at nakasuot ng t-shirt na orange. …9022

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending