Gilas must-win sa Puerto Rico, Senegal
MATAPOS kapusin kontra Croatia, Greece at Argentina sa Group B ay kinakailangang magwagi ng Gilas Pilipinas laban sa Puerto Rico mamaya at Senegal bukas para magkaroon ng pag-asang makausad sa Knockout Stage ng 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Bagaman natalo ang Pilipinas sa unang tatlong laro nito ay may tsansa pang makaabante ang Gilas na nabigo ng tatlong puntos kontra Croatia (78-81), 12 puntos kontra Greece (70-82) at apat na puntos kontra Argentina (81-85).
Nangunguna sa Group B ang Greece na may 3-0 record. Tabla naman sa No. 2 spot ang Argentina, Croatia at Senegal na pawang may 2-1 baraha. Nasa ilalim ng team standings ang Pilipinas at Puerto Rico na parehong may 0-3 karta.
Ang tanging pag-asa na lamang ng Pilipinas ay kung mabibigo nito ang Puerto Rico ngayong alas-7:30 ng gabi at Senegal bukas ng alas-8 ng gabi.
Bukod sa kailangang makadalawang panalo ang Gilas ay kailangan ding mabigo ang Senegal sa laro nito laban sa Argentina mamaya para manatili sa dalawang panalo lamang ang Senegal.
Ang unang apat na koponan sa bawat grupo lamang ang papasok sa Knockout Round habang ang huling dalawang koponan ay maagang magbabakasyon.
Kapag nanalo naman ang Senegal kontra Argentina ay maaari pa ring magtapos sa 2-3 record ang Pilipinas, Croatia at Argentina sakaling matalo rin ang Argentina sa huling laro nito kontra Greece gayundin ang Croatia sa huling dalawang laban nito kontra Greece at Puerto Rico.
Pero dahil parehong nabigo ang Pilipinas sa mga laban nito kontra Argentina at Croatia ay malalaglag pa rin ang Pilipinas.
Ang isa pang scenario ay ang magtapos sa 2-3 ang Pilipinas, Croatia at Senegal.
Kapag nagkaganito ay kailangan ng Gilas na manalo laban sa Senegal ng mahigit tatlong puntos para makaabante.
Tigalawang laro na lang ang nalalabi sa bawat teams sa Group B at marami pa ang puwedeng mangyari.
Pero kailangang manalo muna ang Pilipinas sa Puerto Rico mamaya para manatiling buhay ang tsansang makausad sa Knockout Phase ng torneyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.