BIBIGYAN ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) ng lugar ang Court of Arbitration for Sports (CAS) para agad na madinig at maresolba ang mga problemang puwedeng lumabas habang isinasagawa ang Asian Games na gagawin mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Asiad na may papel ang CAS na nakabase sa Lausanne, Switzerland. “All disputes would be resolved by CAS if a solution could not be found with the OCA and the International Federation of the sport concerned, and that the presence of CAS would increase the transparency for all parties,” wika ni OCA Asian Games department director Haider Farman.
Ginawa ito ng IAGOC dahil hindi malayong magkaroon ng mga problema lalo na sa usaping residency ng mga manlalarong isasali ng mga Asian countries.
Isa nga ang Pilipinas na may ganitong problema dahil alanganin pa ang pagsali ni NBA center Andray Blatche na noong Hunyo ay ginawang naturalized citizen nang lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang papeles.
Pero may alituntunin ang nagpapatakbo sa Asian Games na Olympic Council of Asia (OCA) hinggil sa residency na dapat maabot sa mga naturalized players.
Isa rito ay dapat na matagal nang naninirahan ang manlalaro sa bansang nagbigay sa kanya ng naturalized citizenship bagay na hindi nangyari kay Blatche.
Ang IAGOC ay nakikipag-ugnayan ngayon sa Philippine Olympic Committee (POC) at humihingi ng mga papeles na magpapatunay na matagal nang naninirahan si Blatche sa bansa.
Si Blatche ay pinangalanan ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes sa Asian Games team kapalit ni Marcus Douthit. Kasama rin si Blatche sa FIBA World Cup at walang problema ang pagsali niya dahil ang kompetisyon ay pinatatakbo ng international basketball body na FIBA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.