Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. —Mateo 23:3-5
BAGAMAN walang nakikitang maagang pangangampanya ang Commission on Elections, papilosopong sinagot nito na walang nangangalap ng boto dahil wala namang kandidato. Pero, sang-ayon si Chairman Sixto Brillantes Jr., na may mga politiko na tila nangangampanya na. At kung tutuusin, aniya, pagkatapos pa lamang ng eleksyon ay may nangangampanya na para sa susunod na halalan. Teka. Hindi na naman iyan maiintindihan ng pitong lasing sa Batangas dahil mas malabo pa iyan sa sabaw ng pusit. Pero, wala tayong magagawa dahil sa ayaw at sa gusto natin, si Brillantes ang nagsasalita.
Tila ganyan na nga ang kalakaran sa gobyerno ng Ikalawang Aquino. Iba ang sinasabi at walang isinasagawa. Bagkus ay nagbibigkis pa ang mga opisyal ng mabibigat na dalahin para pasanin ng taumbayan. Tulad na lamang sa sakahan. Ayon sa Department of Agriculture (napakasuwerte naman ng kagawarang ito: dalawa ang kalihim. Ang isa’y rumerepeke ang dila dahil tunay naman siyang dalubhasa sa agriculture at ang isa’y panaka-naka lamang nagbubukas ng bibig dahil wala siyang lubos na kaalaman at karanasan sa kanyang trabaho.) masagana pa rin ang ani at tumaas pa nga raw. Pero, ayon sa Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES), mas maraming magsasaka’t mangingisda ang nawalan ng trabaho. Ayon sa tala ng BLES, nawalan ng trabaho ang 298,000 magsasaka at forestry workers; at nawalan ng trabaho ang 35,000 mangingisda bunsod ng kalamidad, bagyo at tagtuyot. Ayon sa BLES, ang kawalan ng trabaho sa sektor na ito ang dahilan para hatakin pababa ang pagsulong ng industriya. Dalawang larawan: masagana at lugi. Alin ba sa dalawa? Hindi na naman mauunawan ito ng pitong lasing sa Batangas.
Ayon sa Department of Transportation and Communication (huwag na nating banggitin ang kalihim nito, baka sumikat pa at tumakbong senador sa susunod na eleksyon), marami nang ipinatutupad na pagbabago at programa sa MRT at sa 2015-2016 darating na ang bagong mga bagon. Kamakalawa ay huminto ang mga tren. Isang pilosopong enhinyero sa MRT ang pakutyang nagsabi na ang problema ay hindi raw politika at huwag daw politikahin ang nagaganap ngayon sa MRT. Walang ganyan kalaking problema ang MRT sa nakalipas na administrasyon, ang kinamumuhian ng dilawan at parating buntunan ng sisi. Pero, sa ilalim ng pamamahala ng mga dilawan, naaksidente na at nasasaktan na ang mga pasahero. Iba ang sinasabi ng Malacanang at DOTC. Maganda at mahusay ang kalakaran sa MRT dahil natutugunan naman daw ang lahat ng problema. Pero, malala na ang mga nangyayari sa riles.
Ayon kay Arsenio Balisacan, director general ng National Economic and Development Authority, maganda ang kinabukasan ng mga naghahanap ng trabaho dahil napananatili ng ekonomiya ang malakas na paglago nito at sasagpangin na ito ng malalaking mamumuhunan, bunsod para bumaba ang bilang ng mga walang trabaho. Pero, mas dumami pa ang mga tambay, ang mga walang trabaho. Talagang iba nga ang sasabihin ng mga ekonomista na dikit at malaki ang pakinabang sa Malacanang. Ang sinasabi ng tunay na mga ekonomista, iyung mga hindi sipsip sa Malacanang, ang paglago ng ekonomiya ay “jobless growth” dahil hindi ito nakatulong para mapababa ang bilang ng mga walang trabaho. At dahil sa hindi nga napababa ang bilang ng mga walang trabaho, nananatiling mataas ang insidente ng kahirapan at laganap na nga ito kahit sa mayayamang lungsod.
Hanggang ngayon ay pinagtatalunan kung nakabangon na nga ang mga lugar na sinalanta ni Yolanda. Sa state of the nation address (SONA) ng anak nina Ninoy at Cory ay nakabangon na raw. Pero, walang binanggit na estadistika ng pamilya, estudyante, obras publikas, atbp. Mas lalong walang binabanggit na estadistika ang gobyerno hinggil sa tunay na bilang ng mga namatay at nawawala sa Leyte at Samar. Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council, 6,340 lang ang iniulat na namatay at 1,061 ang nawawala. Hindi ganito ang taya ng opisyal ng pulisya kaya pinasibak siya. Ayaw maniwala ni Aquino na marami ang namatay at nawawala, o mas marami pa ang namatay at nawawala. Kung susundan ang mga balita sa pahayagan, nagbigay ng 20,000 body bags ang isang international humanitarian group. Nagkulang pa ito kaya isa pang grupo ang nagbigay ng 10,000 body bags. Pero, humingi pa ng karagdagang body bags ang lokal na rescuers sa Department of Health dahil talaga malaki ang kakulangan sa body bags. Kawawa talaga ang mga namatay sa Yolanda. Patay na nga ay inaapi pa. Patay na nga ay ikinakaila pa. Ganito kung paano lapastanganin ng gobyerno ang mga namatay.
Pero, sa ilalim ng tuwid na daan ay maganda ang pamumuhay. Maganda nga ang pamumuhay, na pakitang-tao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.