SA ikalawang pagkakataon ay kay Jeron Teng ng La Salle ibinigay ang UAAP Press Corps-Accel Quantum/3XVI Player of the Week bunga ng impresibong laro nang tinalo ng nagdedepensang kampeon ang Ateneo noong Linggo.
Tumapos si Teng bitbit ang season-high 32 puntos bukod pa sa limang assists at anim na rebounds para maipaghiganti ng Green Archers ang 97-86 pagkatalo sa first round sa karibal na Blue Eagles.
Sinangkapan ni Teng ang solidong numero sa pagtala ng 17-of-20 shooting sa 15-foot line at 7-of-16 field goal shooting.
Sa first half ay kumamada agad ang Finals MVP ng Season 76 ng 21 puntos para ilayo ang Green Archers ng hanggang 13 puntos.
Nang nagbadya ang Ateneo na aagawin ang panalo, nagbigay siya ng mga mahahalagang assists sa huling yugto para palamigin ang rally ng katunggali.
Ang dalawang free throws pa ni Teng ang nagbigay ng 87-83 kalamangan sa Green Archers may walong segundo sa orasan.
Ito ang ikaanim na sunod na panalo ng La Salle para makatabla sa unang puwesto ang Ateneo at Far Eastern University tangan ang 6-2 baraha.
“He makes very good reads and he involves his teammates,” wika ni Green Archers coach Juno Sauler.
Alam naman ni Teng na hindi niya kayang balikatin ang scoring para sa kanyang koponan kaya’t mahalaga na makahanap siya ng mga mapapasahan.
Sina Mark Belo at Carl Cruz ng FEU, Charles Mammie ng UE at ang kakampi ni Teng na si Jason Perkins ang iba pang manlalarong nakitaan ng galing pero tunay na mas lutang ang ginawa ni Teng para maiuwi ang parangal na suportado pa ng Bactigel Hand Sanitizer, Mighty Mom Dishwashing at Dr. J Rubbing Alcohol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.