Harinawang natagpuan na nga ni Dina Bonnevie ang lalaking makakasama niya nang habambuhay kay Ilocos Sur Vice-Governor Deogracias Victor “DV” Savellano.
Ayon kay Dina ay hiniling niya sa Diyos na tutal naman ay tapos na siya sa kanyang mga obligasyon sa mga anak nila ni Vic Sotto ay premyuhan naman sana siya ng isang lalaking magmamahal sa kanya at mamahalin din niya pabalik.
Sa isang hindi inaasahang pagkakataon ay nagkrus nga ang landas nila ni Vice-Governor DV, naging magkaibigan muna sila, hanggang sa isang araw nga ay naging sila na.
Napakatiyaga. Sa ganu’ng katangian inilalarawan ng magaling na aktres ang politikong nagpapaligaya sa kanya ngayon.
Kahit daw nasaan siya ay humahanap ito ng pagkakataon para madalaw siya.
At hindi maramot ang politiko, “Kapag dumarating siya sa location namin, lahat ng nandu’n, siguradong may pasalubong mula sa kanya.
Madalas siyang magdala ng empanada, bagnet at cornick, dahil taga-Ilocos Sur nga siya.
“People person siya, politiko kasi, kaya alam niyang makisama sa kahit sino.
Du’n ako saludo sa kanya, napakatiyaga niya, kesehodang nasa kabilang bundok pa kami, e, nagugulat na lang ako, dumarating siya,” kuwento ng maganda pa ring aktres.
Nakilala na nang personal nina Danica at Oyo ang kanyang bagong pag-ibig, kaya ayon kay Dina ay tapos na siya sa pagiging kontrabida ni Oyo, pati sa mga pangangantiyaw ni Danica.
“Alam n’yo naman si Oyo, super kontrabida ‘yun pagdating sa mga suitors ko. Sasabihin niya, ‘Hindi pa rin siya ang para sa iyo, wala ‘yan!’ Palagi siyang ganu’n.
Pero nu’ng personalin sila ni DV, nagbago na ang tingin niya,” natatawa pang kuwento ni Dina.
Magkaibigan pa rin sila ni Bossing Vic, nag-uusap sila nang regular at nagkakakuwentuhan sila tungkol sa mga personal na pangyayari sa kani-kanilang buhay, kaya alam nito na may karelasyon siya ngayon.
Napakarami na niyang pinagdaanan sa ngalan ng pakikipagrelasyon, at sa mga karanasang ‘yun ay sangkatutak na aral na rin ang kanyang natutuhan, harinawang ito na nga ang kakaiba sa lahat at magkaroon na siya ng makakasama nang panghabambuhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.