KUNG noong isang taon ay tatlong higante ang naging top three picks sa PBA Rookie Draft, tila ngayo’y salat sa big men ang pool of applicants.
Parang guard-heavy ang pool sa PBA Rookie Draft na gaganapin sa Agosto 24 sa Robinsons Place Manila.
Nang masiguro ng Globalport na ito ang magiging may-ari ng top pick sa Draft ay inanunsiyo na kaagad ni team owner Mikey Romero na ang kukunin niyang No. 1 overall pick ay ang Fil-American na si Stanley Pringle na gumawa ng pangalan habang naglalaro sa ASEAN Basketball League.
Sa totoo lang, nang hindi pa nag-apply sa PBA Draft si Pringle, ang mata ng karamihan ay nakatuon sa isa pang Fil-foreigner na si Chris Banchero na naglaro para sa San Miguel Beer sa ABL.
Matapos magkampeon ang Beermen ay tumungo sa Pilipinas si Banchero at lumahok sa draft ng PBA Development League kung saan kinuha siya ng Boracay Rum. Dito ay nakita kung ano nga ang puwede niyang gawin bagamat sa umpisa ay nahirapan siyang mag-adjust.
Pero inaasahang makukuha rin si Banchero sa top three.
Initially, sinabi naman ng mga insiders ng Rain or Shine na ang kukunin nila bilang second pick overall ay isang big man. Kasi nga ay sobra na sila sa guwardiya. Nandiyan naman si Paul Lee na tiyak na papipirmahin nila ng three-year extension kapag natapos na ang kontrata nito sa Agosto 31.
Puwede rin namang magsilbi bilang point guard si Gabe Norwood kung nais ni Guiao na matangkad ang gamitin.
At siyempre, nandiyan ang mga tulad nina Chris Tiu at Tyrone Tang. So, aanhin nila ang kumuha ng guwardiya sa amateur draft?
Nais nila na tumangkad ang kanilang frontline lalo’t hindi naman bumabata sina Beau Belga, JR Quinahan at Larry Rodriguez.
Nakakuha nga sila ng isang batang sentro sa katauhan ni Raymond Almazan na siyang No. 3 pick ng 2013 Draft matapos na damputin ng Barangay Ginebra ang seven-footer na si Gregory Slaughter bilang No. 1 at ng San Mig Coffee si Ian Sangalang bilang No. 2.
Kaya naman ang napupusuan sana ni Guiao ay si Jake Pascual na maraming nagsasabi ay swak na swak sa sistema ng Elasto Painters. Puwedeng maging rugged player si Pascual kung nanaisin niya.
So, si Pascual ang best big man prospect sa mga papanhik sa PBA. Kaso, tila hindi aakyat sa PBA si Pascual sa taong ito. Tila next year pa siya sasali sa draft.
Ito’y kung totoong nais pa niyang maglaro ng isang taon sa bagong koponang bubuuin ng MVP Group para sa PBA D-League matapos na umakyat sa PBA ang NLEX. Baka hindi rin lumahok sa Draft ang mga tulad nina Kevin Alas, Garvo Lanete at Matthew Ganuelas.
Hindi natin alam kung sinu-sino pa ang mga big men na aakyat sa PBA sa taong ito bagamat may nagsasabing nandiyan ang mga tulad nina Kyle Pascual, Anthony at David Semerad ng San Beda at Prince Caperal ng Arellano.
Pero ang mga ito ay hindi pa talaga maituturing na dominant big men. Para bang mga projects ang mga ito.
Kaya nga may nagsasabing nag-iisip ang Rain or Shine na i-trade na lang ang draft pick nito kapalit ng draft pick sa 2015 kung saan mas malaki ang tsansang makakuha sila ng mahusay na big man.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.