Robin, Mariel ibang-iba ang magiging style sa pagbabalik ng Talentadong Pinoy sa TV5
Isang kakaibang Talentadong Pinoy na ang matutunghayan ng ating mga kababayan sa pagbabalik ng talent search sa pagtitimon ng mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez.
Pagkatapos magpaalam ni Ryan Agoncillo na hindi na nito gagawin ang programa at pagkatapos ding tanggihan ‘yun ni Willie Revillame ay ang mag-asawa na nga ang papagitna sa entablado sa August 16 nang gabi para patakbuhin ang Talentadong Pinoy.
Napakamarespeto ng action star nang ialok sa kanya ang talent show, siniguro muna niya na wala siyang matatapakan at masasaktan sakali mang tanggapin niya ang pagho-host sa show.
Sabi ng aming source, “Sabi niya, gusto raw niyang positibo ang pagsisimula ng show. ‘Yung wala siyang nasagasaan at nasaktan, ‘yung maluwag sa kalooban ng lahat ang pagho-host niya.
“‘Yun muna agad ang itinanong niya, hindi ‘yung kung magkano ang magiging talent fee niya, kung magkano rin ang kikitain ni Mariel sa weekly show, palagi talagang marespeto si Robin.”
Abala na ang buong produksiyon sa pagbabalik ng malawakang talent search ng bayan, napakatagal nang hinihintay ng ating mga kababayan ang pagbabalik nito, napakaraming nakatagong talento ng mga Pinoy ang nadidiskubre ng pamabatong show na ito ng TV5.
Isa si Joseph The Artist, isa sa mga kampeon ng Talentadong Pinoy sa pamamagitan ng kanyang sand art, sa mga ngayon pa lang ay sabik nang mapanood uli ang pinagmulan nitong show.
“Siguradong masayang-masaya ang pagbabalik ng show, si Idol Robin pa naman ang host, saka si Mariel. Mabait sa maliliit si Robin, masang-masa siya, kaya siguradong mas magiging inspired ang mga contestants ngayon ng Talentadong Pinoy,” komento ng henyong sand artist.
August 16 na po, Sabado nang gabi, ang muling sultada ng Talentadong Pinoy. Sa TV5 lang po siyempre.
( bandera.ph file photo )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.