Bong, Jinggoy tataba sa kulungan kahit inaatake ng kalungkutan
Pansamantalang saya lang ang nararamdaman ng magkaibigang senador na nakapiit ngayon sa PNP Custodial Center. Pagkaalis ng mga pamilya, kaibigan at staff nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla ay balik na naman sila sa dati.
Malulungkot na naman sila, nagtitinginan na naman silang dalawa, nagtatanungan kung hanggang kailan ba sila mamamalagi sa pansamantalang bahay nila na pinapaligiran ng rehas?
Napakaliit ng lugar na iniikutan nila, sementado ang buong kapaligiran, sobra ang init sa tanghali. Kapag pababa na ang araw bandang alas kuwatro ay saka lang sila nakararamdam ng ginhawa, may tagadilig sila ng semyento du’n para lumamig ang kapaligiran.
Patuloy ang kanilang pakikipaglaban. Tuloy-tuloy ang pakikipag-usap nila sa kani-kanilang abogado para mapabilis ang takbo ng paglilitis sa mga kasong isinampa laban sa kanila.
Kakambal ng kanilang dasal pati na ng mga nagmamalasakit sa kanila ang posibilidad ng paglaya nang mabilisan, lalo na’t sa mga pinakakawalang pahayag ngayon ng mga sinasabing saksi ng PDAF scam ay hindi naman ang dalawang senador ang direktang sangkot, kundi ang mga tauhan daw nila.
Araw-araw na dumadalaw kay Senador Jinggoy si Precy, si Congresswoman Lani Mercado ay nandu’n din araw-araw, kuwento nga ng mga misis ng dalawang senador ay halinhinan daw sila sa pagdadala ng mga pagkain para sa kanilang mga bisita.
Napakaraming dumadalaw kina Senador Jinggoy at Senador Bong, sa bitbit na lang na pagkain ng bawat dalaw nila ay tataba sila nang husto du’n, mabuti na lang at naisisingit nila sa gitna ng mga problema ang pag-eehersisyo.
( bandera.ph file photo )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.