INILUKLOK si Japeth Aguilar bilang flag bearer ng pambansang delegasyon na ilalaban sa 17th Asian Games sa Incheon, South Korea ngayong Setyembre.
Pormal na pinangalanan kahapon ni PSC chairman at Asian Games Chief of Mission Ricardo Garcia ang manlalaro ng Barangay Ginebra para pangunahan ang delegasyon sa opening ceremony sa Setyembre 19.
Nagdesisyon si Garcia na sa Gilas Pilipinas kumuha ng flag bearer matapos ang matagumpay na kampanya sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship sa Pilipinas.
Pumangalawa ang bansa sa Iran at sapat na ang nakuhang pilak para makabalik ang Pilipinas sa FIBA World Cup.
Bago pinangalanan si Aguilar ay nagtanung-tanong muna si Garcia sa iba kung sino ang kanilang nais na ilagay sa nasabing puwesto at marami ang nagbanggit ng pangalan ng 6-foot-9 player.
“Any of the players are more than qualified but only one can make it,” wika ni Garcia.
“I asked around and Japeth’s name kept on coming up. I think he is deserving to be our flag bearer,” dagdag pa nito.
Nasa Miami, Florida, USA ang Gilas para sa masinsinang pagsasanay bago tumulak sa FIBA World Cup sa Spain mula Agosto 30 hanggang Setyembre 14.
Tiyak naman na hindi tatanggi si Aguilar dahil hindi lahat ng atleta ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon.
Kasabay nito ay inihayag ni Garcia na sa Agosto 9 gagawin ang performance trial ni Southeast Asian Games long jump queen Marestella Torres sa Philsports Oval sa Pasig City.
Kailangang maabot ni Torres, na nakagawa na ng 6.71 metro noong 2011 SEA Games, ang 6.37 metro para makasama sa Incheon Asian Games.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.