NAKAKUHA naman ng mga big men ang Kia Motors sa nakaraang expansion draft.
At maliban sa beteranong si Nic Belasco na sinasabing patapos na ang career sa Philippine Basketball Association (PBA) ay maraming batang big men ang nasungkit ng Kia Motors.
Kabilang dito sina Hans Thiele, Mike Burtscher, Angelus Raymundo at Richard Alonzo.
Well, hindi naman talaga makakakuha ng ‘marquee player’ o ‘marquee big man’ ang kahit na anong expansion team sa klase ng mga manlalarong inilaglag sa pool.
But you have to make the best of your picks, ‘ika nga.
At sa pananaw ng mga coach ng koponan na sina Manny Pacquiao at Glenn Capacio, ang nakuha nila ay makakatulong ng malaki.
Kahit si Belasco ay may maitutulong in terms of experience. Siya nga ang kuya ng mga big men ng Kia, e.
Kumbaga’y bago magretiro si Belasco ay maituturo niya sa mga batang sentro ng koponan ang mga nalalaman niya. At malay natin, baka matapos ang isa o dalawang seasons ay maging bahagi na siya ng coaching staff ng koponan.
Mahaba na rin naman ang naging biyahe ni Belasco sa PBA buhat nang maglaro siya sa Swift. Naging miyembro siya ng San Miguel Beer, Alaska Milk at Talk ‘N Text bago panandaliang naglaro sa ASEAN Basketball League. Nagbalik siya sa PBA nang kuning muli ni dating Alaska Milk coach Luigi Trillo.
Si Thiele ay produkto ng University of the East Red Warriors. Maganda ang kanyang naging unang conference sa PBA nang maglaro siya sa Barako Bull. Pero nang malipat siya ng koponan ay hindi na siya nagamit. Nagpatalbug-talbog siya sa ibang teams hanggang sa nalimutan siya.
Si Raymundo, na produkto rin ng UE Red Warriors, ay naglaro sa Globalport pero hindi nabigyan ng break.
Si Alonzo, na produkto ng Adamson Falcons, ay nagpamalas ng husay sa depensa at sigasig sa pagkuha ng rebounds habang naglalaro sa Burger King. Pero hindi rin siya nagtagal.
Si Burtscher ay unang nglaro sa Alaska Milk sa ilalim ni Tim Cone. Nang malipat si Cone sa San Mig Coffee ay kinuha rin niya si Burtscher. Pero nang lumaon ay inilaglag na ito. Noong nakaraang season ay naglaro siya sa Air21 at nagsilbing reliever ni Paul Asi Taulava sa ilalim ni coach Franz Pumaren. Pero nang mabili ng NLEX ang Air21 ay nawala na si Burtscher sa mga plano ng bagong may-ari.
Ngayon ay mabibigyan ng second chance sina Thiele, Raymundo, Alonzo at Burtscher sa Kia Motors. Pipilitin nilang magamit ito nang husto upang ipakitang puwede naman talaga sila sa PBA.
Ang iba pang napili ng Kia Motors sa expansion draft ay sina Jai Reyes, Alvin Padilla, LA Revilla, Paul Sanga, Eder Saldua at Joshua Webb.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.