LRT operation huminto na naman, mga pasahero naglakad sa riles
Huminto ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1 kahapon matapos na mabutas ang- air host pressure ng isa sa mga tren nito.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, spokesman ng LRT Authority, isa sa tren na bumibiyahe sa Line 1 ang nagkaroon ng leak sa host na nagbibigay ng air pressure alas-4:46 ng hapon.
Patungong Monumento ang tren nang huminto sa Carriedo station. Kasama sa safety feature ng tren ang pagkagat ng break kapag nagkaroon ng leak ang air pressure nito.
Pinababa ang mga pasahero na naglakad na lamang patungo sa malapit na istasyon upang sila ay makababa.
Lalo umanong natagalan ang pagkumpuni sa problema nang puwersahing buksan ng mga pasahero na nakasakay sa sumunod na tren ang pintuan upang makababa.
“Habang nakabara pa yung nasirang tren, yung sumunod na tren na hindi makadaan eh huminto. Pinilit ng mga pasahero na buksan ang pintuan kaya na-activate din yung safety feature nito at hindi umandar,” ani Cabrera sa panayam.
Hindi aandar ang tren kapag mayroong bukas na pintuan. Nakumpuni ang problema alas-5:36 ng hapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.