Unang panalo kay Raquin sa prestihiyosong Milo Marathon | Bandera

Unang panalo kay Raquin sa prestihiyosong Milo Marathon

Mike Lee - July 28, 2014 - 12:00 PM

TINAPOS ni Irineo Raquin ang limang taong paghihintay para makatikim ng titulo habang sinimulan ni dating two-time national champion Mary Grace Delos Santos ang paghakbang tungo sa pagbawi sa nakawalang titulo.

Ito ang mga tampok na pangyayari sa isinagawang Metro Manila leg ng 38th National Milo Marathon kahapon sa SM Mall of Asia grounds sa Pasay City na kinatampukan ng 37,063 registered runners na nagtagisan sa limang distansya.

Mababa ito kumpara sa record number na 42,214 na tumakbo noong nakaraang taon pero hindi ito kataka-taka dahil maulan ngayon sa Metro Manila at ipinagdiwang kahapon ang ika-100 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo.

Gayunman, natuwa pa rin ang mga organizer ng pinakamalaki at pinakaprestihiyosong footrace ng bansa.
“We’re so happy for the successful race,” wika ni Milo sports marketing manager Andrew Neri. “We were worried last night, kasi panay ang ulan. But God was so kind to us at 12 midnight, ang ganda-ganda na ng weather para sa mga runners. It was so cool.”

Ang magandang klima ang nakatulong para magkampeon sa 42.195-kilometer race sina Raquin at Delos Santos upang makakuha rin ng puwesto sa National Finals sa Disyembre 7 na kung saan ang lalabas na local champion sa men’s at women’s divisions ay ipadadala ng Milo sa 2015 Tokyo Marathon.

“Hindi tulad dati na pagod na pagod ako, ngayon maganda ang pakiramdam ko pagdating ng finish line,” bulalas agad ng 29-anyos na si Raquin  na naorasan ng dalawang oras, 31 minuto at 15 segundo kahapon.
Mahigit pitong minuto ang agwat niya kay Jeson Agravante na may 2:38:36 habang si Rafael Poliquit Jr. ang kumuha sa ikatlong puwesto tangan ang 2:44:15.

Noong nakaraang taon ay muntik nang manalo si Raquin sa karera pero kinapos siya ng isang hakbang sa meta kay Eric Paniqui kaya’t labis-labis ang kagalakan na kanyang nararamdaman nang siya naman ngayon ang unang dumating sa finish line.

“Matagal na akong tumatakbo sa Milo Marathon, since 2005 pa, pero ngayon lang ako nag-champion. Matapos makapahinga balik uli ako sa training para mas mapaghandaan ang Finals,” ani pa ni Raquin na tumapos sa ikatlong puwesto sa local category ng national finals noong isang taon na pinagwagian ni Eduardo Buenavista.

Sa kabilang banda, naipakita ng 2011-2012 national champion na si Delos Santos ang magandang kondisyon upang pangunahan ang mga kababaihan sa karerang inendorso ng Philippine Olympic Committee (POC), Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Education (DepEd) at suportado ng Timex, Bayview Park Hotel Manila, Asics, Lenovo at Gatorade.

Naorasan si Delos Santos ng 3:08:15 tiyempo at bagamat mababa ito sa kanyang personal best na 2:49:29 na kinamada noong 2012, sapat naman ito para manaig kina Jennylyn Nobleza (3:17:43) at Aileen Tolentino (3:33:04).

“Sa huling national finals ay kulang ako sa ensayo, kulang sa conditioning kaya third lang ang tinapos ko (Open). Sinisikap ko itong ibalik at itong race na ito, ginamit ko rin bilang part ng long running ko kaya medyo mabagal ang time ko,” pahayag ng 29-anyos na kabilang din sa national pool.

Si Mary Joy Tabal ang siyang nagdedepensang kampeon sa kababaihan at noong nakaraang taon ay gumawa ng bagong record na 2:48.00 para manatiling paborito sa kababaihan.

“Hindi ko masasabi ngayon kung tatalunin ko si Mary Joy dahil malayo pa naman ang Finals. Pero ita-try ko ang best ko dahil iyan ang focus ko ngayon. Good luck na lang (Mary Joy) at see you in the Finals,” ani pa ni Delos Santos.

Bukod sa pagkakaroon ng puwesto sa national finals ay parehong nag-uwi ng P50,000 gantimpala sina Raquin at Delos Santos kahapon.

“Makakatulong ito dahil nag-a-apply ang asawa ko papuntang Hong Kong at magagamit niya ang perang ito,” sambit pa ni Raquin na kasalukuyang naghahanap ng trabaho.

Ang iba pang distansyang pinaglabanan at ang mga lumabas na kampeon ay sina Archie Patubo (1:16:36) at dating national champion na si Jho-Ann Banayag (1:30:33) sa 21K race; Kenyan runners Jackson Chirchir (32:38) at Irene Kipchumba(39:35) sa 10K; Michael Icao(16:52) at Vilma Santa Ana (20:42) sa 5K; at George Tan (11:18) at Leonalyn Ratertan(12:19) sa 3K side event.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pagkatapos ng NCR leg ay darayo ang 38th National Milo Marathon sa Naga (Agosto 24), Lucena (Agosto 31), Puerto Princesa (Setyembre 7), Lipa (Setyembre 14), Iloilo (Setyembre 21), Bacolod (Setyembre 28), Tagbilaran (Oktubre 5), Cebu (Oktubre 12), Butuan (Oktubre 19), Cagayan de Oro (Nobyembre  9), General Santos (Nobyembre 16) at Davao (Nobyembre 23).

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending