Pagkatapos ng SONA | Bandera

Pagkatapos ng SONA

Lito Bautista - July 28, 2014 - 03:00 AM

NGANGA ang arawang obrero, ang mahihirap, pagkatapos ng SONA (state of the nation address) ng Ikalawang Aquino. Hindi pa rin gaganda ang buhay ng arawang obrero, ng taumbayan, pagkatapos ng SONA.  Pero, mahal naman pala kayo ng butihing bugtong na anak na lalaki nina Ninoy at Cory dahil noon pa lamang ay inilaan na niya ang bilyones para guminhawa ang buhay ninyo.  Pero, bakit niya inilihim ito at inihayag lamang niya nang ideklarang labag sa Saligang Batas ng kanyang nanay ang ilang DAP (Disbursement Acceleration Program, ang utak ay hindi puwedeng si Aquino kundi si Florencio Abad politician).  Sa paliwanag ni Aquino sa hinarbat na prime time ng mga himpilan ng telebisyon at radyo, na tiyak na nawalan ng kita ang malalaking negosyo dahil sa pagbibigay daan sa walang kakwentang-kwentang boladas, sinabi niya na naglaan naman pala, raw, siya ng pera sa ilang programa para mapaganda ang buhay sa tuwid na daan at sa rehimeng walang korap at milyun-milyon na ang mahihirap.  Pero, hindi niya inilahad ang kuwentas klaras, hanggang sa huling sentimo ng pera ng arawang obrero na hinarbat (nina Aquino’t Abad politician).
Nakalulula ang tinalakay na mga pondo, na pera nga ng arawang obrero, ng taumbayan, sa moro-morong pagdinig sa Senado, na alam naman ng lahat na dalawa lang ang sinsero, sina Nancy Binay at Grace Poe.  Klap-klap-klap.  Daan-daang bilyones.  Napakaraming pera na pala ang sapilitang hinahablot sa arawang obrero, sa taumbayan.  Snatcher na rin pala ang gobyerno ni Aquino.  Kung daan-daang bilyones na ang kanilang hinaharbat sa manggagawa, bakit hindi naglaan si Aquino (boom panot, ang awit sa kanya ng mga raliyista sa Mendiola) ng P10 bilyon noong 2011 para maibili ng mga generator para maibsan ang blackout sa Mindanao?  Bakit pinabayaan niya ang pangangailangan sa kuryente sa Mindanao?  Bilang ama ng bansa, hindi rin ba niya anak ang Mindanao?  Ang sagot ay hindi, dahil sa kasalukuyan, lugmok na sa kahirapan ang Mindanao dahil sa pamatay na krisis sa kuryente.  Pinabayaan na ng ama ng anak niyang Mindanao.  Kung hindi niya tinugunan ang mahigpit na pangangailangan sa kuryente sa Mindanao, mas lalo niyang pinabayaan na namamatay ang mga taga-Zamboanga City sa evacuation centers, na dahil sa labis na kahirapan ay dumami ang mga babaeng nagbebenta ng laman (hindi matatawag na nagbebenta ng panandaliang aliw dahil kailangan ng nagugutom na sikmura ang konting barya, o panggatas ng anak).  Kung ang Mindanao ay pinagkaitan ng P10 bilyon habang hindi humihinto ang pagbaha ng pera sa kanilang mga napili, pinagkaitan ng P5 bilyon lang ang National Orthopedic Hospital, ang solusyon daw sa problema ng tanging pagamutan sa mga nabalian ay ibenta ito sa pribadong sektor.  Tsk-tsk-tsk.
Anong klaseng anak ng butihing angkan itong si Benigno Simeon?  Maging si Joker Arroyo ay dismayado at hindi makapaniwala, na ang anak ay kakaladkarin ang pangalan ng inang si Cory sa kontrobersiya ng DAP.  “I want to ask President Noynoy, what has happened to you to even allow that?” tanong ni Arroyo.  “The administration must be so desperate that it has gone to such lengths, just to save their face, to even invoke President Cory as an implementor, 25 years ago, of an unconstitutional program similar to DAP.” Ang administrative order, na mismong si Arroyo ang sumulat, ay umiral nang wala pang Kongreso dahil unang naglingkod si Cory sa ilalim ng revolutional government.  At iyan mismo ang batayan ng Korte Suprema para ideklarang unconstitutional ang ilang parte ng DAP.  Oo nga.  Anong klaseng anak ito na mahilig manabon at kamakailan lamang lamang, bago magsampa ng motion for reconsideration, ay hinamon ang Korte Suprema?  Ina, masdan ang iyong anak.
Pagkatapos ng SONA, nganga ang taumbayan sa kanyang seguridad sa kalye. Nganga ang mga empleyado na dumadaan sa Chino Roces ave., sa Makati.  Hindi sila ligtas sa mga snatcher at holdaper.  Marami nang kawani ng Inquirer Group, mismo, ang biktima ng mga holdaper at snatcher; at patuloy pa rin ang panghoholdap at panghahablot habang naglalakad ang mga biktima o sakay ng pampasaherong jeepney.  Kung tutuusin, nagpiyesta pa nga ang mga kriminal dahil abala ang mapaniil na gobyerno, maging ang lungsod ng Makati, sa DAP, SONA, politika at plunder.  Ang kaligtasan ng arawang obrero, ng taumbayan, ay pinabayaan na.  Nagmamana na ba ang LGU sa Malacanang?
Kung isinangkalan ni Aquino na kakampi ng DAP ang International Monetary Fund, puwes, nagising na ang IMF.  Sa kanyang kalatas sa nakalipas na linggo, binawasan ni IMF resident representative Shanaka Jayanath Peiris ang full-year economic growth forecast sa Pilipinas, dahil napagtanto nila na mahina pala ang ekonomiya ng bansa.  Napagtanto ng IMF na kung mahina ang first quarter, malamya ang second quarter at hindi inaasahang sisigla ang ekonomiya sa 100 milyon Pinoy.
Wow! 100 milyon Pinoy?  100 milyon pagnanakawan ng mga politiko.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending