HINDI lang naging moro-moro, zarzuela at scripted ang naging Senate finance committee hearing noong Huwebes, kundi nagmistulang sindikato ang ilang senador na nag-abugado kay Budget Secretary Butch Abad sa tangkang ipagtanggol ang Disbursement Acceleration Program o DAP na bawat araw ay nagiging iba ang kwenta.
Una, P177 bilyon lang daw. Tapos naging P154 bilyon, naging P144 bilyon , P149.25 bilyon, P139 bilyon at sa naturang public hearing ay bigla namang naging P237 bilyon. Magkano ba talaga ang ginastos na pera mula sa dugo at pawis ng mamamayan? Baka dinudoktor pa?
Ang dami pa ring tanong ang di masagot hanggang ngayon tungkol sa DAP at iba pang presidential lump sum funds. Kaya nga nagtataka tayo kung bakit mistulang “beki” at parang nawala na ang mga “oversight functions” ng mga senador.
Naalala ko tuloy ang listahan ng mga pondong tinanggap ng mga senador mula sa DAP. Sabi sa report ng Inquirer, nakakuha si Senate Franklin Drilon ng mga proyektong nagkakahalaga ng P650-M. Hindi pa natin alam kung nadagdagan pa ang DAP projects ni Chiz Escudero na P100-M, gayundin kina Sen Antonio Trillanes, TG Guingona, Serge Osmena, Loren Legarda, at Ralph Recto na pare-pareho rin. Umamin naman si Abad na lahat ng senador maliban kay Joker Arroyo ay tumanggap ng DAP.
Kaya hindi na nakakapagtaka na tila titser itong si Drilon kay Abad tungkol sa legalidad ng DAP na nakalagay daw sa Administrative code of 1987 noong panahon pa ni Tita Cory. Pero, tinamaan ng baka, kahit first year law student ay alam na alam na mas makapangyarihan ang Saligang Batas kaysa sa isang Administrative Code. Kaya nga po 13-0 ang desisyon ng Korte sa pagsabi na ilegal ang DAP pati PDAF at alinmang paglilipat lipat ng pondo (fund juggling).
Natawa pa ako ng turuan ni Drilon si Abad ng tamang pagsasalin ng legislator-identified projects. Mali raw ang sabihin na tumanggap ng DAP projects ang mga senador kundi ‘nagnumbra (nag-nombra!) o nagtukoy lang.
Aba, Nakalimutan yata ni Drilon na ang ganitong pag-nombra ng mga proyekto ang tahasang sinabi ng Korte Suprema na illegal sa mga PDAF projects. Hindi raw trabaho ng mga senador at kongresista ang pag-nombra ng mga pork barrel projects kayat dapat pa nga ay kasuhan sila at isoli ang pera.
Aba’y mas masahol pa itong DAP kaysa sa PDAF, lalot umamin pa itong sina Abad at Drilon na ginawa nila itong “legislator-identified project”. Alam niyo naman ang kalakaran sa PDAF, merong “commission” sa halaga ng proyekto ang mga mambabatas. Isipin niyo sa DAP, tig P-100M minimum ang bawat senador at tig P15-M minimum ang bawat kongresista. Mas malaki kung kakampi o Liberal ang mambabatas. Hindi kaya pagkatapos ng numbra, kubra naman?
Kung hindi ba naman sobrang sipsip nitong mga senador, gusto pang alisin nina Drilon at Escudero ang tradisyunal na pagpapasumpa ng salaysay sa mga “resource persons”. Buti na lang humirit ang bagitong si Senador Nancy Binay. Ano nga naman daw iyon, kwentuhan lang?
Dahil sa matindi at walang humpay na pagtatanong ni Binay, at di pinayagan ang pambobola at tangkang paglihis sa isyu nina Abad, Ona at Abaya, maraming natuklasan ang taumbayan. Meron pa palang mas malaking pondo ang Malacanang na pinagdalhan ng sobrang P90-B savings bukod sa DAP, kayat nabigyan ang COMELEC ng cross-border budget na P4.1-B noong 2012.
Nabulgar din na maraming aprubadong proyekto ng General Appropriation Act ng Kongreso ang sadyang kinakansela ng administrasyon at dinadala sa agad agad sa “savings” tulad ng pagkumpuni ng NAIA, mga airport toilets, seaports at lighthouses. Maging COA na mayroong savings na P3.5-B, pero binigyan pa rin ng P143-M sa DAP para sa mga sasakyan kabilang na ang isang P5-M na kotse para service ng isang commissioner. At sa Department of Health naman ay ang P70-M DAP allocation para Stem cell research program ng Lung center of the Philippines, sa harap ng kakapusan ng pondo at ibinebenta pa nga ang mga public hospitals tulad ng Philippine Children’s Medical Center sa harap nitong gusali.
Sa kabuuan, talagang umaalingasaw ang bantot ng mga Senador ng bayan sa naturang “public hearing”. Pakiramdam ko nga parang mga scam artists silang nag-kukuntsabahan sa mga taga-Malakanyang sa pagpipilit na tama at kailangan ang ginawa nilang huli-DAP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.