ONE of my professors in college, Prof. Jerome Caluyo once told me that he thinks Felix Ysagun Manalo is an organizational genius.
Punto de bista ito ng isang socio-political scientist, isang hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo. Ang kanyang kaalaman sa Iglesia ni Cristo ay batay sa kanyang mga pag-aaral at pagsasaliksik pang-akademya.
Dahil sa ika-100 taon pagkakatatag ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas, marami ang masusulat tungkol sa maningning na pagsapit nito sa ganitong yugto. Kaya napapanahon para talakayin at babalikan ang kalagayan ng Iglesia ni Cristo sa simula hanggang sa kasalukuyan.
Minsan nang naging interesado si Caluyo na pag-aralan ang istraktura ng INC. “Hindi ko alam kung may gumawa na nito, but it promises to be an interesting dissection,” sabi pa sa akin noon ni Prof. Caluyo.
Isipin mo nga naman aniya, nagsimula sa iisa, ngayon ay milyun-milyon na ang mga kaanib. Mula sa pananaw ng isang di kaanib, ang mainam na pamamalakad ng INC ang susi kung bakit naging matagumpay ito mula 1914 hanggang sa kasalukuyan.
Disiplina ang nakikita niyang dahilan kung bakit ito matagumpay ngayon, bukod pa sa mainam na pagpapasunod sa mga tinatawag na mga kapatid sa Iglesia. Malinaw ang takbo, may doktrina, may alituntunin at may pagbabantay na maipatupad ang mga alituntuning ito. Malinaw aniya ang otoridad ng namumuno.
“The governance and authority is clear. You can govern but the acceptance of that authority to govern is the crucial element in examining the organizational structure of the INC,” ayon pa sa propesor.
At dahil may doktrina at alituntuning na inaasahang dapat na sundin ng bawat kasapi, kaakibat nito ang pagbabantay at pagsusuri sa mga kasapi. Ito ang katumbas ng accountability, kapwa sa bahagi ng namumuno sa INC at mga kaanib.
Kung ang pag-uusapan ay ang paglikom ng pananalapi para sa mga gastusin ng Iglesia, sinabi ni Prof. Caluyo na nalaman niya sa mga kasapi ng INC na may malinaw na talaan ng kusang handog ng mga kaanib. Transparency ang nakikita niyang elemento rito lalo na’t ang pisikal na patunay rito ay ang mga gusaling sambahan na naitayo sa iba’t ibang panig ng bansa at maging sa ibang dako pa ng mundo, bukod pa sa iba pang mga proyekto.
Ayon kay Caluyo, ito ay katumbas ng delivery of service. Kung ang lahat ng ito aniya, governance, authority, accountability, transparency and delivery of service ay mamamalas sa takbo ng gobyerno, may malinaw na direksiyon ang pamumuhay ng mamamamayan.
But religion and government are not the same and cannot be placed in the same page or in the same breath. Obedience is a key factor in the INC and that is not true to most governments.
May isang bagay na mapupulot at maaaring gayahin sa pamamalakad ng INC bilang isang organisasyong pang-relihiyon – ito ang layunin at ang hangarin. Doon matutukoy at masusukat ang uri ng pamumuno o pamamahala sa isang organisasyon o sa isang bansa. Kung ang layunin at hangarin ng namamahala at ng pinamamahalaan ay magtatagpo, magkakaroon ng pagkakaisa, iisa ang daang tatahakin. Mainam ang tuwid na daan, Ngunit mas angkop ang tamang daan.
Ngayong araw na ito nga ang ika-100 taon ng pagkakatatag ng INC, sa dakong Malayo, sa bahagi ng Silangan. Ang pagsisimula ng Iglesia sa katotohanan ay mas maaga pa kaysa sa petsang ipinagdiriwang. Kung ang kasaysayan nito ang susuriin, ang simula ay sa tatlong araw at tatlong gabi noong Nobyembre noong 1913 nang simulan ang pangangaral ni Felix Manalo tungkol sa Iglesia ni Cristo.
Ngunit dahil sa noong ika-27 ng Hulyo 1914 opisyal na naitala sa pamahalaan ang INC bilang isang samahang pang-relihiyon, ito ang kinikilalang pormal na pagsisimula nito.
Sa puntong ito, naroon na ang pag-aayos at pagtalima sa mga umiiral na batas, pagpapakita na ang namumuno, unang dapat na magpakita ng pagsunod sa batas na sumasakop sa kanya. Sa kapatiran sa Iglesia ni Cristo, saan mang panig ng mundo, isang maligayang pagbati sa ika-100 taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.