HALATANG scripted ang pagbibitiw ni Budget Secretary Florencio “Butch” Abad, at ang desisyon ni Pangulong Aquino na huwag itong tanggapin.
Unang-una, kung talagang may balak na umalis si Abad bilang kalihim ng DBM, sana noon pang bagu-bago pa lang na pumutok ang kontrobersiya sa Disbursement Acceleration Program (DAP), nagsalita na sana siya at naghain ng kanyang resignation.
Pangalawa, kung talagang gustong magbitiw nitong si Abad sa kanyang puwesto bilang delicadeza man lang, sana ay ginawa niya ang kanyang resignation na “irrevocable”, na hindi na mabibigyan pa ng tsansa ang pangulo na huwag tanggapin ito.
Mismong si PNoy ang nagsalita para kay Abad na dapat ang Kalihim ang gumagawa.
Bago ang desisyon ni PNoy na ihayag na tinanggihan niya ang pagbibitiw ni Abad, usap-usapan na nakipagkita siya sa kanyang mga tiyuhin na sina Jose “Peping” Cojuangco Jr. at dating Senador Butz Aquino dahil sa krisis na kinakaharap ng kanyang administrasyon kaugnay ng kontrobersiya sa DAP.
Sa nakaraang apat na taong panunungkulan ni PNoy, wala naman talagang naging isyu sa kanyang integridad bagamat ang mga tao sa kanyang Gabinete ang mismong nauugnay sa mga kontrobersiya at anomalya.
Sa pagtatanggol ni PNoy kay Abad, lumalabas na mas matimbang sa kanya ang pagkakaibigan nilang dalawa kaysa sa kanyang sinumpaan sa kanyang mga Boss.
Para naman kay Abad, saan kaya siya humuhugot ng kapal ng mukha at lakas ng loob para humarap pa sa tao?
Kung talagang kaibigan nga ni Abad si PNoy, hindi niya magagawang ipahamak ang pangulo. Hindi na siya magpapaka-kapit-tuko sa puwesto sa kabila ng kaliwa’t-kanang mga batikos.
At dahil makapal ang mukha ni Abad, hindi na baling sumadsad ang popularidad ni PNoy bastat mananatili siya sa DBM.
Biruan tuloy ng marami, baka kasi pag tinanggal si Abad, mag-Hyatt 10 siya muli o gawin ang ginawa niya noon kay dating pangulong Arroyo na nagbitiw kasama ang ilang miyembro ng Gabinete na nakaupo rin ngayon at bumatikos sa administrasyon.
Paano pa kaya nakakapagtrabaho si Abad kung may bahid na ang kanyang panunungkulan?
Ulit, saan nga ba humuhugot ng kapal ng mukha at lakas ng loob si Secretary Abad?
Kumalat ang balita na nag-walkout itong si Executive Secretary Paquito Ochoa sa pulong ng Gabinete nitong Biyernes dahil nga sa walang patumanggang pagkiling ni PNoy kay Abad. Siyempre itinanggi kaagad ito ng Palasyo.
Alam naman natin na tao si Abad ni DILG Sec. Roxas at iba ang grupo na kinabibilangan ni Ochoa sa Malacañang.
Kaya uminit na naman ang paksyon sa loob ng Gabinete ni PNoy.
Ilang linggo bago ang SONA ni PNoy, panay ang anunsiyo ng pamahalaan na bumababa na ang presyo ng bawang at bigas na halata tuloy na pakitang-tao lamang.
Bagamat bumaba nga ng konti ang presyo ng bawang, hindi naman nararamdaman ang pagbaba ng presyo ng bigas taliwas sa sinasabi ng gobyerno.
Kung may pagbaba man, asahan natin na ito ay pansamantala lamang at pagkatapos ng SONA, tuloy ang pagtaas ng presyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.