MULI na namang iniwasan ni Floyd Mayweather Jr. na makasagupa si reigning World Boxing Organization welterweight champion Manny Pacquiao.
Ito ay matapos na ikasa ni Mayweather ang isang rematch kay Marcos Maidana sa Setyembre 13. Ang Argentinian boxer ay nagbigay kay Mayweather ng isa sa pinakamatinding laban nito nang magharap sila noong Mayo.
Sinabi kahapon ni Mayweather na nakahirit si Maidana ng rematch at gaganapin ito sa isang pay-per-view fight sa MGM Grand hotel-casino sa Las Vegas.
Nanalo si Mayweather sa kanilang unang paghaharap sa pamamagitan ng majority decision subalit nakatanggap naman si Maidana ng papuri matapos na pahirapan ang walang talong welterweight champion.
Sinabi ni Maidana matapos ang laban na akala niya siya na ang mananalo at hindi naman umano siya nasaktan ni Mayweather. “He wasn’t that tough,” sabi ni Maidana.
Si Mayweather ay may 46-0 kartada kabilang ang 26 knockouts habang si Maidana ay may tangang 35-4 karta kasama ang 31 knockouts. Ang laban ay ipo-promote ng Golden Boy Promotions.
Bagamat nagawang dominahin ni Mayweather ang ikalawang bahagi ng nasabing laban, nasambit ni Maidana na ginawa niya ang kanyang makakaya para makahirit ng ‘decision’ na resulta sa MGM Grand Garden Arena.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.