Samu’t saring pondo ni PNoy imbestigahan din
DITO sa kontrobersyal na isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP), may mga senador na namang idinadawit dahil sa pagtanggap ng pondo mula kay Budget Secretary Butch Abad noong March 2012, at napunta sa mga NGO ni Janet Lim Napoles, batay sa record ng whistleblower na si Benhur Luy.
Ito ‘y sina Senador Tito Sotto (P70-M na wala pang reaksyon hanggang ngayon) Bongbong Marcos (P100-M na nagsasabing pineke ang kanyang pirma pati ng kanyang chief of staff na si Ramon Cardenas). Pati ang mga nakakulong na sina Juan Ponce Enrile (P55-M), Jinggoy Estrada (P100-M), Bong Revilla (P100-M) ay dawit na naman.
Lahat ng mga pondong ito ay galing si “ilegal” na DAP ng Malakanyang na ginamit “in good faith”. Ang P177 bilyon DAP funds ay ginamit daw bilang “economic stimulus” para pabilisin ang government spending at nakita naman daw ang resulta sa mataas nating GDP noong 2012 at 2013.
Sabi ni Abad, maliit lang daw na DAP funds ang napunta sa mga senador at congressman — P4.92B lamang sa P82B noong 2011, P7.56B sa P54-B noong 2012 at wala na raw inilabas as of October 2013 (totoo kaya? lalot 3rd quarter na?).
Ganito talaga ang problema pag lump sum funds, walang detalye sa kung saan gagastusin ang pondo na para bang galing sa “sarili nilang wallet” ang pondo.
Noong panahon ng corrupt PGMA administration, ang “reenacted budget” o hindi maaprubahan on time na “national budget” ang pinagpipyestahan at eto na nga iyong natuklasang daang milyong PDAF ng mga mambabatas. Isang uri ng “Budget Dictatorship” ni PGMA na mahigpit na binabatikos ni Pangulong Aquino noong panahon na siya ay congressman at senador pa lamang, na siya namang ginagawa ng kanyang administrasyon ngayon.
Nagkabistuhan na ngayon kung paano ninanakaw ng mga mambabatas ang PDAF at DAP – ito ay sa pamamagitan ng mga implementing government agencies at mga bogus NGO’s.
Nakakasiguro ba tayo na ang bilyun-bilyong pisong “lump sum funds” ng Malakanyang ay hindi rin nakukurakot ng ganitong modus operandi? Ayon mismo sa GAA, si PNoy ay merong P283-B na special purpose funds, P139-B unprogragrammed funds at ito ngang P177-B DAP na idineklarang unconstitutional. Bukod diyan, meron pang presidential social funds, na hindi pa rin inilalabas ng Malakanyang at ng Presidential Management Staff kung magkano ito. Pati, DILG ay meron na ring lump sums, tulad ng bottom up budgeting at ang kontrol sa Internal Revenue Allotment.
Ang tanging pinanghahawakan lang natin ito ay ang sinasabing pamahalaan daw ito na matuwid ang daan. Sana nga, walang nangungurakot sa mga tauhan ni PNoy.
Kung meron man, ang pinakamalapit na kaso siguro ay itong kay Presidential appointee Mehol Sadain ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na kamakailan ay natuklasan ng COA na nakakuha ng pondo mula sa DAP at PDAF mula sa dalawang senador at 38 kongresista.
Lahat ng anomalyang ito sa NCMF ay nangyari sa panahon ng Tuwid na Daan sa ilalim mismo ng Office of the President.
Nitong Marso pa iniutos ni PNoy ang imbestigasyon sa NCMF, kay Mehol Sadain at sa mga NGOs, pero hanggang ngayon wala pa ring nangyayari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.