KINAMADA ni Ian Sangalang ang walo sa kanyang kabuuang 13 puntos sa ikaapat na yugto para tulungan ang San Mig Coffee Mixers na patumbahin ang Rain or Shine Elasto Painters, 78-69, sa Game Three ng PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Bunga ng panalo, nasungkit ng Mixers ang 2-1 Finals lead para mangailangan na lamang ng isang panalo para mauwi ang inaasam nilang Grand Slam.
Pinamunuan ni Marqus Blakely ang San Mig Coffee sa ginawang 17 puntos. Samantala, sa ginanap na The Leos 2014 PBA Annual Awards kahapon na ginanap bago ang Game Three ng PBA Governors’ Cup finals, tinanghal na season Most Valuable Player si San Miguel Beer center June Mar Fajardo.
Siya rin ang napiling Most Improved Player ngayong season. Sinamahan naman ni Fajardo sa Mythical 1st Team sina Paul Asi Taulava ng Air21, Mark Barroca ng San Mig Coffee at ang mga Talk ‘N Text players na sina Jason Castro at Ranidel De Ocampo.
Ang Mythical 2nd Team ay binubuo naman nina Paul Lee ng Rain or Shine, Greg Slaughter ng Barangay Ginebra, Sonny Thoss ng Alaska at ang mga San Mig Coffee players na sina Peter June Simon at Marc Pingris.
Ang All Defensive Team ay kinatatampukan naman nina Barroca, Pingris, Fajardo at Rain or Shine players Jireh Ibañez at Gabe Norwood. Nahirang naman bilang Rookie of the Year si Slaughter.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.