DAHIL sa ruling ng Supreme Court na unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP), puwedeng ma-impeach si Pangulong Noynoy at maalis sa kanyang puwesto gaya ni dating Chief Justice Renato Corona.
Pero maraming kaibigan at kaalyado si P-Noynoy sa Kamara de Representantes kaya’t hindi papasa ang impeachment complaint doon.
Ang hindi naman mga kaalyado ng Pangulo ay maaari niyang suhulan na gaya ng ginawa ng dating Pangulong Gloria nang siya’y nahaharap ng impeachment noon.
Sa ngayon, walang pag-asa ang magiging impeachment complaint laban kay P-Noynoy dahil hindi ito makaka-first base.
Pero tiyak na darating ang mga demanda sa kanya dulot ng DAP at iba pang mga kabalbalan na ginawa niya ngayon kapag siya’y wala na sa puwesto.
Plunder at iba pang kaso ang kinahaharap ng Pangulo kapag umalis na siya sa Malakanyang.
Kahit na ang kanyang mga itinuturing na mga kaibigan ay tatalikuran siya.
Ganoon ang nangyari kay Gloria nang wala na siya sa puwesto: kaliwa’t kanan ang mga kasong isinampa laban sa kanya at ngayon ay nakakulong siya sa ospital.
Kung anong pagpapahirap na ginagawa ni P-Noynoy kay Gloria ganoon din ang kanyang mararanasan kapag siya’y wala na sa puwesto.
Itaga ang sinasabi ko ngayon kay P-Noynoy sa bato.
Ipalalasap sa kanya ng Sanlibutan ang ginagawa niyang pagpapahirap kay Gloria.
Tama ang ginawa ni P-Noynoy kina Gloria at Corona dahil talaga namang nagkasala sa taumbayan ang mga ito.
Pero mali ang kanyang motibo dahil dala ito ng paghihiganti.
Vindictive o bengatibo itong si Noynoy.
Di niya makalimutan ang ginawa sa kanyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino ni Gloria. Inalisan kasi ni GMA si Cory ng mga bodyguards nang ang huli ay nanawagan na umalis siya sa puwesto dahil sa “Hello Garci” scandal.
Di rin makalimutan ni P-Noynoy ang ginawa ni Gloria na utusang hati-hatiin ang Hacienda Luisita, na pag-aari ng pamilya ni Noynoy, dahil sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Si Corona naman ay nadamay sa paghihiganti ni P-Noynoy kay Gloria dahil ang dating Punong Mahistrado ay kasamahan ni Gloria.
Dahilan na lang ang misdeclaration ni Corona ng kanyang statements of assets, liabilities and net worth (SALN) upang siya’y ma-impeach at maalis sa puwesto.
Namana ni P-Noynoy ang kanyang pagiging bengatibo o bengador sa kanyang inang si Cory.
Nang si Cory na naupo sa Malakanyang pinaghahabol niya ang pamilya Marcos at ang mga cronies ng mga ito.
Hindi makalimutan ni Cory ang pagpapakulong ni Pangulong Marcos sa kanyang esposo na si Sen. Ninoy Aquino.
Pinagbibintangan din ni Cory na si Marcos ang nagpautos na patayin si Ninoy.
Dapat sana ay hindi bangatibo ang mag-inang Cory at Noynoy dahil niluklok sila sa puwesto ng taumbayan dahil sila’y inapi noon.
Sana tandaan ni Noynoy na dahil sa pagkamatay ng kanyang ina sa sakit na cancer ay binoto siya ng sambayanang Pilipino.
Sino ba naman itong si Noynoy noong siya’y congressman at senador pa kundi do-nothing legislator.
Wala namang ipinamalas na gilas si P-Noynoy noon.
Ibinoto siya ng taumbayan sa pagka-Pangulo dahil sa simpatiya sa pamilya Aquino sa pagpanaw ni Tita Cory.
Pati ang dahilan ni P-Noynoy kung bakit niya tinutulan na maging National Artist si Nora Aunor ay baluktot din.
Sinabi ni Mr. Noynoy na nahatulan ng pagkabilanggo ang actress dahil sa droga sa America.
Hindi nahatulan si Nora Aunor; siya’y pinag-community service at pina-rehab.
Isa pa, anong kinalaman ng pagiging drug addict ni Nora Aunor noon sa kanyang pagiging dakilang actress at singer?
Dapat husgahan si Nora Aunor sa kanyang abilidad sa pag-akto sa harap ng camera at hindi sa kanyang pagiging dating drug addict.
Si P-Noynoy nga ay addict sa sigarilyo. Siya ay chain smoker.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.