NOONG isang linggo, nailathala natin ang iba’t-ibang uri ng “isolation.” Ngayon naman ay tatalakayin natin ang lahat ng mga epekto nito sa kalusugan, lalo na ang epekto nito sa mga nakakulong sa selda gaya na parehong “physically and mentally isolated.”
Madalas ang mga preso ay magkakasama sa isang kulungan na napakaliit para makahiga o maupo man lamang. Sa kasikipan ng lugar, mainit sa araw at pinapawisan parati, ngunit pagdating ng gabi ay maginaw dahil walang higaan kundi ang sementong sahig.
Maaring magkasakit sa respiratory tract na mag-uumpisa sa sipon tapos uubuhin at maaring humantong sa pulmonya. Ang urinary tract ay maaaring magkaproblema rin dahil sa kulang sa tubig at madalang na pag-ihi. Urinary tract infection ang madalas na nakikita. Madalas din na nakikita ang mga impeksyon sa balat, gaya ng pigsa at mga kagat ng insekto na maari ring magdulot ng sakit na dala nito.
Mabilis makahawa at mahawa ang taong nasa loob ng selda lalo na kapag congested. Kapag may sinipon, sisipunin lahat; may umubo, uubuhin lahat; at may nagkapigsa, magkaka-pigsa lahat.
Masama sa kalusugan ang ganitong sitwasyon (congested environment).
Humihina rin ang resistensiya dahil kulang sa tubig, pagkain, tulog, paggalaw at higit sa lahat, kapatawaran. Dapat matugunan ang lahat ng ito.
Minsan naman ay mag-isa lang sa selda, hindi nga masikip ang tulugan ngunit may mas malaking isyu, ang “mental isolation”.
Ang pagputol ng komunikasyon ay mabigat na parusa. Isang “social being” ang tao kaya’t gusto niya ang laging may kausap.
Kapag mag-isa lang sa kulungan, sarili lang ang maaaring kausapin, isang napakahirap na sitwasyon lalo na kung ang tao ay hindi sanay rito. Maaaring masiraan ng bait ngunit maari rin namang bumait.
Mayroon din namang magandang maidudulot ito kung ito’y magiging daan para siya ay lumapit sa Diyos, magdasal at makinig sa Kanyang salita. Ang pagtanggap at pagsisisi ng mga kasalanan ay bahagi ng pagbabago at ito ay maghahatid ng magandang kalusugan ng kaisipan.
Inaanyayahan ko ka- yo mga kabarangay sa Barangay Kalusugan na makinig sa Radyo Mediko tuwing alas-8 hanggang alas-9 ng gabi sa Radyo Inquirer 990AM.
Maaari rin kayong mag-text sa inyong lingkod tungkol sa inyong mga problemang pangkalausugan at sasagutin natin iyan sa BARANGAY KALUSUGAN na mababasa araw-araw maliban sa Miyerkules at Biyernes. I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.