PATULOY ang pagtaas ng presyo ng bilihin ngunit hindi pa rin maipaliwanag ng gobyerno kung ano ang dahilan nito.
Pinulong ni Pangulong Aquino noong Huwebes ang mga kaukulang opisyal para talakayin ang pagtaas ng presyo ng bigas, bawang at luya.
Sa naging pagpupulong, inatasan ni Aquino ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na habulin ang mga sangkot sa hoarding at kasuhan ang mga ito.
Isinisisi kasi ng mga opisyal ang patuloy na pagtaas ng presyo sa ginagawang hoarding ng ilang mga negosyante.
Pero duda naman ang lahat na may mapapanagot nga ang gobyerno na sangkot sa hoarding.
Sa kasaysayan ng bansa, may narinig na ba tayo na napanagot na traders na sangkot sa hoarding?
Kung sakaling may makakasuhan man, wala ring katiyakan na uusad ang kaso laban sa mga tiwaling negosyante.
Sa kabilang dako, patuloy ang pagtaas ng presyo hindi lamang ng bigas, kundi ng mga iba pang pangunahing bilihin.
Linggo-linggo ay tumataas ang presyo ng bilihin.
Tumaas na muli ang itinitindang manok sa isang supermarket. Mula sa P120 noong isang linggo, kapansin-pansin na P125 na ito.
Sa nangyayaring pagtaas ng mga bilihin, walang magagawa ang mga mamamayan kundi magtiis dahil wala namang pagkilos ang pamahalaan para ito mapababa.
Hindi rin totoo ang pahayag ng NFA na nagbaba ng P2 kada kilo ng bigas ang ilang traders sa Metro Manila.
Dismayado pa nga ang isang matanda na nag-ikot sa isang palengke nang malamang ganun pa rin ang presyo ng bigas, taliwas sa sinabi ng NFA.
Wala rin naman makikitang NFA rice taliwas sa pahayag nito na dinoble na ang suplay NFA rice.
Hindi rin napapanahon ang sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin kung saan ito ay nangyayari bago ang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.
Sa nakaraang SONA ni PNoy noong 2013, ipinagmalaki pa niya na maaabot na ang rice sufficiency sa bansa bago matapos ang taon.
Ngayong 2014, bukod sa naunang inaprubahang pag-angkat ng 800,000 metric tons ng bigas, daragdagan pa ito ng 200,000 metric tons para matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Hindi bat taliwas ito sa naipangako ni PNoy, na batay naman sa ginawang pagtiyak naman ni Agriculture Secretary Proceso Alcala.
Sa mga kontrobersiyang ibinabato kay Sec Alcala, kung hindi niya magampanan ang kanyang mandato bilang kalihim ng DA, ano pa ang rason kung bakit nananatili pa ang tiwala sa kanya ni PNoy? Nagtatanong lang po.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.