Revised plunder case vs Bong ibinasura ng Sandiganbayan
HINDI naghain ng anumang plea si Sen. Ramon Bong Revilla Jr., sa kasong pandarambong at graft nang basahan siya ng sakdal kahapon sa Sandiganbayan First Division.
Iginiit ng kampo ni Revilla na mayroon siyang nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestyon sa mga kasong isinampa sa kanya. Dahil dito, ang korte ang nagpasok ng “not guilty” plea para sa kanya.
Naghain naman ng “not guilty” plea si Janet Lim Napoles, ang itinuturong utak sa pork barrel fund scam. “Not guilty” rin ang inihain ni Atty. Richard Cambe, dating legislative staff ni Revilla.
Humarap sa korte ang 20 iba pang akusado samantalang nagtatago ang 10 iba pa. Si Revilla ay inakusahan na kumita ng P224.5 milyon kickback mula sa paglalagay ng kanyang Priority Development Assistance Fund sa mga umano’y bogus na non-government organization ni Napoles.
Ilang ulit naman itong itinanggi ni Revilla at sinabi na ang mga nagpatupad ng proyekto ang dapat na habulin ng Ombudsman.
Ibinalik si Revilla sa PNP Custodial Center sa Quezon City matapos ang pagdinig ng kanyang kaso habang si Napoles naman ay sa Fort Santo Domingo sa Laguna.
Ombudsman supalpal
Samantala, ibinasura kahapon ng Sandiganbayan First Division ang hiling ng Ombudsman na baguhin ang isinampang kasong plunder laban kay Revilla.
Sa pagdinig, sinabi ng prosekusyon na “malakas” ang isinampa nilang kaso pero “nais lamang nila na bigyang linaw ang ilang bahagi nito” kaya hiniling nila ang rebisyon.
Hinarang naman ng abogado ni Revilla na si Joel Bodegon ang mosyon ng prosekusyon dahil mababago na umano ang reklamo.
“Yung amendments pinalalabas nila na ‘yung plunder ang utak ay si Sen. Revilla.
Samantalang ‘yung original information ay si Napoles ang mastermind. Napakalaking amendment ‘yun kaya tinutulan namin,” aniya. Sinabi ni Bodegon na ang pagtatangka ng Ombudsman na baguhin ang isinampang kaso ay pag-amin na mahina ito.
Posible umano rin na nais ng prosekusyon na magbigay-daan upang magamit na state witness sina Napoles at Dennis Cunanan, director general ng Technological Resource Center, kung saan dumaan ang ibinulsa umanong pork.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.