NAGTATAKA ang mga taga-palengke’t talipapa sa Barangay Prenza, Loma de Gato sa Marilao, Bulacan kung bakit hindi alam ng dalawang kalihim ng sakahan, na sina Proceso Alcala at Francis Pangilinan, kung bakit biglang ginto ang presyo ng bawang. Sa Bulacan, imposibleng biglang maging ginto ang presyo ng bawang dahil may pinagkukunan sa Dona Remedios Trinidad na presyong Iloko, na higit na mas mura.
Hindi naman bobo ang mga taga-palengke’t talipapa rito. Alam nilang may ibig lang ipalabas na sarsuela ang gobyernong walang alam sa palengke’t talipapa.
Kung eeksena si Pangilinan sa Bulacan, pang-dyaryo at TV lang iyan. Matagal nang mga magsasaka ang taga-Bulacan at hindi na niya kayang itsubibo sa kuwento niya. Hinggil sa bigas, alam ng taga-Bulacan na niloloko na naman ang taumbayan. Hindi pa ba sila kuntento sa smuggling at pati mahihirap ay lalo pa nilang pahihirapan?
Dahan-dahan na ring tumataas ang presyo ng itlog at dahan-dahan na rin itong nawawala sa bi-lihan. Sa Marilao, may malaking tindahan ng itlog. Nagtataka ang mga negosyanteng suki ng malaking tindahan kung bakit idinadahilan ng gobyerno ng Ikalawang Aquino ang mataas na presyo ng patuka. Matagal nang mataas ang presyo ng patuka. May mga poultry sa Marilao at San Jose del Monte. May paraan ang mga may-ari’t katiwala kung paano hindi maging alipin ng patukang kontrolado ng multinational.
Kaya matagal na nanatili sa P5 ang tingi ng itlog sa sari-sari store. Sa isang iglap ay biglang tumaas ang presyo nito? At pagkatapos ay mama-magitan ang isang opisyal at siya’y pasasalamatan pa dahil naibalik sa normal ang presyo ng itlog? Hindi naman lahat ng oras ay mahihirap lang ang kayang lokohin ng gobyernong ito.
Natigatig na ang Malacanang sa sunud-sunod na patayan nang ang naging mga biktima ay matataas na tao sa lipunan. Ngayon ay matataas na tao na rin ang humihingi sa ulo ni Alan Purisima. Noon pa natin sinasabi na mahinang pulis itong si Purisima. Maraming mas magagaling sa kanya sa Crame pero hindi hinirang dahil hindi sila malalakas. Ang magaga-ling na opisyal sa Crame ay di rin kasama sa sirkulo. Kung hindi na ligtas ang matataas na tao sa lipunan, mas lalong wala nang pakialam ang gob-yerno sa mahihirap na pinapatay at pinagnanakawan sa kalye. Sa Makati, alam iyan ng mga kawani ng Inquirer Group.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Ipaabot ninyo sa kinaukulan na masali si Max Surban sa listahan ng National Artist dahil sa kanyang pambihirang talino as singer, composer at arranger ng Visayan songs. Romy, Davao Oriental
Anong klaseng sistema meron kayo Mayor Malapitan? Ang anak ko pumasa, hindi naging scholar. Maraming bumagsak, pero scholar. Ang sabi mo, Tao ang UNA. Pero, hindi tao ang inuuna mo. Annalisa Domingo, Barangay 176
Bakit ang sariling wika ang tatanggalin nila sa college? Ang dapat nilang tanggalin ay ang mga miyembro ng Gabinete. Sila ang mas malansa pa sa isda. Yun ngang Mandarin ay itinuturo na sa mga eskuwelahan dito, tatanggalin pa ang Filipino? …2920
Survivor po kami ng Yolanda dito sa Tacloban. Sana matulungan kaming makapagpatayo ng bahay kahit maliit lang.
Walang ibinibigay na tulong ang gobyerno sa amin. Ako po si Jizza Mariss Pica, 22, ng Tacloban City. 0907-2182815
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.