Bembol Roco sa kambal na anak: Wala akong kasalanan sa inyo!!!
SUMAMBULAT ang damdamin ng mahusay na aktor na si Bembol Roco tungkol sa mga pahayag ng kanyang mga anak partikular ang kambal na sina Felix at Dominic Roco.
Ilang taon ding kinipkip sa puso nina Dominic at Felix ang galit sa ama dahil diumano sa bago nitong pamilya.Sakto naman dahil nakita namin si Bembol sa 37th Gawad Urian awards at doon solo naming nakausap ang mahusay na aktor.
Bagaman sa huling panayam kay Dominic sinabi nito na wala na siyang galit sa kanyang ama, hindi pa rin daw talaga sila nag-uusap ni Bembol.
“Hindi ko alam e, kasi hindi nila ako kinakausap. So, hindi ko alam kung ano talaga ang nararamdaman nila, kung ano ang iniisp nila. I wish they would talk to me.
Ayun, ang gusto ko sanang mangyari. Magbukas loob naman sila at ipaalam sa akin,” lahad ni Bembol. Last time raw na nakita niya ang mga anak ay noong birthday ng kambal noong April, “Very civil naman kami sa isa’t isa.
Parang wala kaming problema pero obviously, meron, ‘di ba? E sila, naghihintay lang naman ako.” Sinubukan na rin daw niyang kausapin ang dating asawa at ina nina Dominic pero sinagot siya ng “in time” at “hayaan muna” ang kanilang mga anak.
“Hindi nga ako makatyempo na makausap sila sa bagay na ‘yon. Ano bang ikinasasama nila ng loob? Ano bang problema? Bakit hindi natin pag-usapan para ma-address ko, ‘di ba? Kasi wala akong alam na kasalanan sa kanila, e.
Wala akong alam na atraso sa kanila,” paliwanag ng premyadong aktor na halatang masamang-masama ang loob sa nangyayari sa kanya at kambal na anak.
Nagsimula raw ang tampo ng kanyang mga anak dahil diumano sa bago niyang pamilya, “Hindi ko alam kung ‘yun nga ang dahilan. Kung ‘yun man ang dahilan, bakit? Ano’ng tinututol nila?
Anong ikinagagalit nila doon? At kung ganoon man, e, ‘di kausapin nila ako, ‘di ba? “Ganoon ka-simple. Para maipaliwanag ko ng maayos sa kanila ang katotohanan.
E, hangga’t hindi nila kinakausap ng kanilang nararamdaman, e, hindi ko maaayos ang problema,” diin pa niya. “Matagal ko nang gustung-gusto ko silang makapiling o makausap, so, magkaintindihan. E, kaya lang hindi nila ako binibigyan ng pagkakataon,” saad pa nito sa amin.
May mensahe naman si Bembol para sa kanyang mga anak, “Ang sa akin lang, magbukas-loob kayo. Magbukas-isip kayo. Kausapin ninyo ako nang diretso nang mapag-usapan at maliwanagan kayo sa kung anuman ang iniisip ninyo.
Wala akong atraso sa inyo,” madamdaming pahayag pa nito. Inamin naman ni Bembol na naghintay siya at nasaktan na ni isa man sa kanyang mga anak ay walang bumati noong nakaraang Father’s Day.
Ilang taon na rin daw siyang hindi binabati ng kanyang dalawang anak na binata. “Well, natural masakit, ‘di ba? Pero ganoon sila itong mga nakaaraang mga taon na, e.
Ano’ng magagawa ko? Hindi naman pwedeng magmakaawa sa kanila. Baka hindi nila alam ang sakit ng loob na ibinibigay nila sa akin sa kanilang katahimikan, sa kanilang hindi pagkakausap sa akin.
Baka hindi nila naiintidihan kung ano ang sama ng loob ang binibigay nila sa akin,” aniya pa. Sa huling intebryu kay Dominic, sinabi niya na pinatawad na niya ang kanyang ama, “E, sana nga kung ganoon.
Ganoon pa man, e, bakit hindi nila ako kausapin? O, pinatawad ako, maraming salamat. Pero bakit ayaw nilang makipag-linawan sa akin?”
Dagdag pa niya, “Maaaring nagkulang ako bilang ama nila, at kung nagkulang man ako, hihingi ako ng patawad. Walang problema sa akin ‘yun, e.”
Sa huli, nilinaw ni Bembol na wala siyang bagong pamilya, “Ibig kong sabihin, wala naman akong ibang anak. Hindi naman dahil ‘di na pwede. Choice ko na rin.
You know, wala na akong ambisyon magkaanak pa sa iba. Wala akong ibang anak kundi sila lang.” Magsi-61 na si Bembol sa November and still looking young and strong.
Wala raw siyang sikreto kundi kailangan lang daw laging masaya sa kabila ng mga problema sa buhay.
( Photo credit to EAS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.