Jinggoy, Bong magkakosa na | Bandera

Jinggoy, Bong magkakosa na

Leifbilly Begas, Lisa Soriano - June 24, 2014 - 02:05 PM


SUMUKO si Sen. Jinggoy Estrada kahapon matapos maglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan Fifth Division sa kinakaharap nitong kasong plunder at graft.

Bago magtanghali nang ilabas ng korte ang desisyon nito na nagsasabi na may batayan ang mga kasong isinampa sa kanya ng Office of the Ombudsman, at kasunod nito ay ang pag-iisyu ng arrest warrant.

Hindi katulad ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr., na pumunta pa sa Sandiganbayan, dumiretso si Estrada sa Camp Crame matapos puntahan ang bahay ng mga magulang na sina Manila Mayor Joseph Estrada at dating senador Loi sa Polk street sa Greenhills, San Juan.

Sinamahan siya ng kanyang mga magulang, asawa, mga anak at ka-patid patungong Crame.

Bong ‘happy’ sa pagdating ng kakosa
Ikinatuwa naman umano ni Revilla ang pagdating ng kaibigan sa custodial center kung saan silang dalawa ay magiging magkakosa.

“Nagkita na sila at nag-usap na rin sila. Okay naman (ang meeting nila) at nasiyahan si Sen. Revilla na magkasama sila doon,” pahayag ng abogado ni Estrada na si Alexis Abastillas-Suarez.

Magkatabi ang kulu-ngan ng dalawang senador. Nagtagpo ang dalawa sa “common area” ng bagong gawang pasilidad sa loob ng isang ektaryang PNP Custodial Center.

Ilang oras din nanatili ang misis ni Estrada, mga anak at staff sa loob ng compound bago tuluyan umuwi kagabi. Ang  standard visiting hours sa PNP Custodial Center ay mula alas-9  ng umaga hanggang  alas-3 ng hapon, ngunit pinayagan ng mga pulis na i-extend ang oras ng pagbisita ng pamilya ni Estrada para sa unang araw nito sa kulungan.

Emosyonal
Bago pa maihatid sa Crame si Estrada ay na-ging emosyonal ang buong pamilya Estrada. Sa mga panayam sa media sa bahay ng mga Estrada, mugto ang mga mata ng senador na umamin na nahihirapan ang kanyang kalooban sa pag-iwan sa pamilya, higit lalo sa 8-anyos na bunsong anak na hindi humiwalay sa kanya hanggang maipasok siya sa kulu-ngan.

Humirit ng bail
Naghain din si Estrada kahapon ng pitong pahinang petisyon upang makapagpiyansa dahil mahina umano ang mga ebidensya laban sa kanya. Ang plunder ay isang non-bailable offense.

Hindi ito ang unang pagkakataon na sinampahan si Estrada ng plunder. Noong 2001 kasama ang amang si Erap na kinasuhan ng plunder.  Magkasama silang nakulong.

Iginiit din ni Estrada na hindi niya tatakasan ang kinakaharap na kaso. “I’ll fight this case to my last breath,” pagdedeklara pa ng senador bago pa sumuko sa PNP.

Arraignment itinakda
Itinakda ng Sandiganbayan ang pagbasa ng sakdal laban kina Sen. Estrada at Revilla. Sa Huwebes, babasahan si Revilla ng kaso sa  Sandiganbayan First Division habang sa Lunes naman ang kay Estrada sa Fifth Division.

Inaasahan na hindi maghahain ng plea ang dalawang senador.

JV dadalaw sa kapatid
Umeksena rin si Senador JV Estrada klahapon at sinabi na dadalawin niya ang nakapiit na kapatid sa tamang panahon at kapag maayos na ang sitwasyon.

Ayon kay JV, nalulungkot at nakikisimpatya umano siya sa mga nangyayari sa kanyang kapatid, lalo na sa pamilya nito.
Nalulungkot din umano siya sa sinapit ng kanyang mga pamangkin lalo na nang makita niya ang mga ito habang sila ay patungo sa Camp Crame.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

( Photo credit to inquirer news service )

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending