We do not have conquering heroes or legendary warriors to celebrate, only merchants, artisans, entrepreneurs. —Charles Ong, awardee Carlos Palanca Literature, Free Press Literature, Graphic Literature, and many others
ANG karaniwang bati ay Kung hei fat choy, salitang Cantonese na ang ipinaabot ay hangaring manigo, kasaganaan at pagyaman.
Pero, mahirap ipaabot ang bati ng manigo, kasaganaan at pagyaman sa arawang dukha, sa mga driver ng jeepney at tricycle na araw-araw ay alipin ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina’t krudo at ayaw kontrahin ng gobyerno ng Ikalawang Aquino.
Eh ano nga naman kung tumaas araw-araw ang presyo ng gasolina’t krudo, basta may bistang impeachment.
Malayo na nga ang agwat ng obrero’t may kaya. Ang obrero’y pinarurusahan araw-araw ng pagtaas ng presyo ng kanyang kinakain, lalo na ang sardinas at ang tinging (ice candy) mantika, kaya’t para maitawid ang gutom ay ilang buwan na siyang di nakabibili ng saging.
Ang pambili ng saging ay pandagdag na lang sa pambayad sa tricycle, jeepney o bus bukas, na napipinto pang tumaas ang minimum fare sa P9 o P10 dahil wala na ring kinikita ang driver, na nagbabayad sa operator ng boundary araw-araw, at sa pulis o traffic enforcer ng gobyernong nasa tuwid na daan.
Ang hangaring manigo, kasaganaan at pagyaman ay madaling sambitin pero mahirap mangyari sa paligid na mataas ang antas ng krimen, tulad ng Metro Manila, na may 374 insidente na ng pamamaslang ng mga nakamotor; ang gabi-gabing pamamaslang sa mga naglalakad sa mga barangay ng Commonwealth, Batasan Hills, Old Balara at Holy Spirit, na ngayon ay tinalo pa ang Tondo’t Baseco sa dami ng namamatay araw-araw, o gabi-gabi.
Paanong magiging manigo, masagana at mayaman ang obrerong nakalimutan na ng pamahalaan?
Sa Jose N. Rodriquez Memorial Hospital sa Tala, Caloocan City, namamatay na lang ang mahihirap na pasyente dahil kulang na kulang ang pagamutan sa mga pasilidad (meron ngang ICU, wala namang aparato).
Sa taon ng Dragon, huwag nang umasa sa mga politiko. Gayahin ang pagsisikap ng Intsik, ng kanilang mailiit na negosyante, manlililok at artisano.
Giong hi sin ni, Hokkien para sa magandang hangarin, pag-asa at kinabukasan sa Bagong Taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.