Zsa Zsa paiiyakin lang ng bagong BF
Palaging pinagkukuwentuhan ngayon sa mga umpukang-showbiz si Zsa Zsa Padilla at ang kanyang arkitektong boyfriend. Wala ring suwerte sa pakikipagrelasyon ang singer-actress dahil sa simula ng kanyang pagiging maligaya ay maraming kumokontra.
Kahit naman nu’ng maugnay ang kanyang pangalan sa namayapang Hari Ng Komedya ay pinagkaisahan sila ng publiko, nanirahan muna sila sa Amerika, bumalik na lang uli sila sa bansa nu’ng medyo malamig na ang pagkontra tungkol sa kanilang relasyon.
Heto na naman. Pagkatapos nang isang taon ng pagkamatay ni Tito Dolphy ay maligaya na uli si Zsa Zsa, aminado ang singer-actress na ibinalik ni Architect Conrad Onglao ang mga ngiti niya sa labi, muli raw binuksan ng negosyante ang kanyang puso.
Pero maraming isyung umiikot ngayon tungkol sa nagpapaligaya kay Zsa Zsa, may mga kuwentong hindi kagandahan tungkol sa mga nakaraang pakikipagrelasyon nito, bakit kaya puro pera ang iniikutan ng mga istoryang pinagbibidahan ni Architect Onglao?
Marami tuloy naaawa at nagmamalasakit kay Zsa Zsa, baka raw umiyak lang siya uli sa piling ng arkitekto, sana raw ay kinilala munang mabuti ng singer-actress ang lalaking kakarelasyunin niya.
Mahirap humusga, baka naman silang dalawa talaga ang dinisenyo ng kapalaran para sa isa’t isa, baka naman tunay na tunay ang pagmamahal kay Zsa Zsa ng arkitektong napili niyang mahalin?
Abangan na lang natin ang mga susunod pang kuwento.
( Photo credit to EAS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.