PINAHIYA ni Janet Lim Napoles ang mga taga Batanes dahil sa kanyang pagdawit kay Budget Secretary Butch Abad sa P10 billion pork barrel scam.
Si Abad, ani Napoles, ang nagturo sa kanya kung paano magnakaw ng pera ng bayan.
Si Abad ay taga-Batanes, isang maliit na pulong lalawigan sa dulo ng Luzon, kung saan ang mga tao ay makapagkakati-walaan sa pera.
Sa Batanes lamang makikita ang isa o dalawang tindahan na hindi binabantayan ng may-ari.
Ang mga bumibili sa mga tindahan ay kukuha ng bibilhin at pagkatapos ay ihuhulog ang bayad sa isang kahon. Kung babaryahan ang kanilang pera, kinukuha rin nila ang eksaktong barya sa kahon.
Walang ibang lugar sa bansa kung saan nagtitiwala ang may-ari ng tindahan sa kanyang mga customers.
Kaya’t kahiya-hiya para sa mga taga Batanes ang pagkakadawit ni Abad sa diumano’y pagnanakaw sa pera ng bayan.
Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Senate blue ribbon committee, inakusahan ng reyna ng pork barrel scam si Abad na nagturo sa kanya kung paano nakawan ang gobiyerno.
Ito’y noong si Abad ay congressman pa ng Batanes, ani Napoles.
Inudyukan daw ni Abad si Napoles na magtatag ng non-government organization o NGO upang mapadali ang pagsamsam ng pera sa gobiyerno sa pamamagitan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Pero paano mo naman paniniwalaan ang isang tao na nagsabi noong Senate investigation na wala siyang kinalaman sa P10 billion pork barrel scam at ngayon ay umaamin na?
Sa kabilang dako, ang isang taong alam niyang nasa bingit siya ng kamatayan ay nangungumpisal ng mga katarantaduhan na ginawa niya upang gumaan ang kanyang kalooban ang deretso ang kanyang kaluluwa sa langit.
Nagkumpisal si Napoles kay Justice Secretary Leila de Lima nang siya’y ooperahan sa kanyang uterus na ang hinala ng mga doktor ay cancer at baka siya mategok habang siya’y nasa operating table.
Ang mga taong bumabasa nito ay humusga kung nagsasabi si Napoles ng totoo sa pagdawit niya kay Abad.
Sa parte naman ni Abad, paano niya maipaliliwanag ang mansion na pinatayo niya sa taas ng burol sa Batanes noong siya ay secretary of education pa sa administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo?
Bago naging kalihim ng edukasyon ay congressman muna si Abad ng Batanes.
Ito’y nagtutugma sa tinuran ni Napoles na congressman pa si Abad nang siya’y matuto sa pagnakaw ng pera ng gobiyerno.
Paano naman matututong magnakaw sa gobiyerno ang isang high school graduate sa mahirap na lalawigan ng Basilan kung walang nagturo sa kanya?
At siyanga pala, sino ang naging daan upang sumuko si Napoles kay Pangulong Noy sa Malakanyang?
Huwag ninyong sabihin na pumasok lang si Napoles sa Malakanyang na walang nagbukas ng pintuan sa kanya.
Malamang ay si Abad ang nagturo kay Napoles na sumurender kay P-Noy.
Pustahan tayo, hindi magbibitiw si Abad kahit na dinawit na ang kanyang pangalan sa pork barrel scam.
At hindi rin siya ipagre-resign ng Pangulo.
Deny to death ang gagawin ni Abad siyempre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.