PH Azkals pasok sa AFC Challenge Cup finals
NAGTALA ng mahalagang goal si Chris Greatwich sa extra time para tulungan ang Philippine Azkals na maungusan ang Maldives, 3-2, at makapasok sa finals ng AFC Challenge Cup Miyerkules ng madaling araw sa National Stadium sa Male, Maldives.
Isa sa mga manlalarong nakatulong para umangat ang Azkals sa larangan ng football sa bansa noong 2010, si Greatwich ay muling naghatid ng krusyal na goal matapos na palitan si Jerry Lucena sa second half.
Binuksan ni Phil Younghusband ang scoring para sa Azkals matapos makaiskor ng goal sa ika-19 minuto. Pinangunahan din ng Fil-British striker ang atake ng mga Pinoy sa 2-0 panalo kontra Turkmenistan sa group stage.
Naitala naman ng Fil-Danish na si Lucena ang kanyang kauna-unahang goal para sa Pilipinas para ibigay sa Azkals ang 2-1 kalamangan sa ika-39 minuto ng laro.
Subalit hindi pa rin nakasiguro sa kanilang bentahe ang mga Pinoy booters dahil nakagawa ng goal si Assadhulla Abdulla para sa home team sa ika-66 minuto upang itabla ang laban.
Pinangunahan ni Ali Ashfaq ang huling atake ng Maldives sa extra period subalit nagawa ng Azkals na mapigilan ito para sa makasaysayang panalo.
Makakasagupa ng Azkals ang Palestine, na binokya ang Afghanistan, 2-0, sa semis, sa Finals at pag-aagawan nila ang inaasam na puwesto sa AFC Asian Cup bukas.
Nakasiguro naman ang Azkals ng pinakamaganda nitong pagtatapos sa torneo matapos na mabigong mag-qualify noong 2008 at 2010 at masungkit ang tansong medalya dalawang taon na ang nakakaraan.
Kung magwawagi sila bukas kontra Palestine, hindi lang ang korona ang makukubra ng mga Pinoy kundi ang pagkakataong makapaglaro sa 2015 AFC Asian Cup sa Australia.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.