‘Pagpatay’ kay Claudine siguradong ituturo kina Gretchen at Marjorie
Nakakaloka! Bandang hapon nu’ng nakaraang Martes ay kalat na kalat na ang kuwentong nagpakamatay si Claudine Barretto dahil sa drug overdose.
May mga nakikiramay na sa kanilang pamilya sa social media, inaabangan na lang ng mga kababayan natin kung saan siya ibuburol, pati ang libing ni Claudine ay ipinagtatanong na rin nila kung kailan.
Napakadaling manggulo ngayon ng buhay ng may buhay. Matindi ang epekto at lawak ng social media para mag-imbento ng mga kuwentong-kutsero, mabilis ang pagkalat nu’n, napakaraming gumagawa ng ganu’n ngayon.
Hindi man kami sumasang-ayon sa mga inaasal ngayon ni Claudine Barretto, sa aming opinyon ay maling-mali ang patayin siya nang walang kalaban-laban, may mga kababayan talaga tayong dahil walang magandang magawa sa buhay ay nang-iistorbo na lang ng buhay ng ibang tao.
Paano kung mabigla ang mga magulang ng binibiktima sa ganitong kalokohan? Paano kung mamatay ang mga nagmamahal sa taong tinutukoy na patay na? Basta ganu’n na lang ba ang pagpapaikot ng balita na namatay na ang isang tao kahit buhay na buhay pa?
Natural, ang pagbibintangan na naman ng mga nagmamahal kay Claudine na nagpalabas ng kuwentong patay na siya ay ang kanyang mga kapatid na sina Gretchen at Marjorie.
Kahit napakalayo sa puso at utak ng magkapatid na “patayin” si Claudine ay sila pa rin ang babagsakan ng bintang dahil magkakaaway nga sila ngayon.
Pero makakaya ba namang dalhin nina Gretchen at Marjorie sa kanilang dibdib ang hindi magandang sitwasyon tungkol sa kanilang bunsong utol? Naniniwala kami na kahit pa hindi sila nagkakaintindihan ngayon ay mas namamayani pa rin para sa kanila ang iisang dugo na nananalaytay sa kanilang mga ugat.
Tantanan na sana ang pagpatay sa mga taong buhay na buhay pa. Kilabutan sana ang mga taong gumagawa ng ganu’n. Alalahanin nila na ang karma ay nasa tabi-tabi na lang ngayon.
( bandera.ph file photo )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.