‘Sa mga galit kay Claudine, wag ganu’n! napakasamang biro!’
KUMALAT sa social media ang balitang namatay na ang estranged wife ni Raymart Santiago na si Claudine Barretto nang dahil sa drug overdose. Hindi naman idinetalye sa lumabas na post sa Twitter at Instagram ang kumpletong detalye ng pangyayari.
Balitang nagdenay na ang ina ni Claudine na si Mommy Inday Barretto, buhay na buhay pa raw ang kanyang anak at sana’y makunsensiya ang mga taong nagpakalat ng malisyosong balita.
Kasunod nito, ang kaibigan naman nating si Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Claudine, ang nag-issue ng statement about this. Mariin din niyang pinabulaanan na patay na si Claudine matapos lumaklak ng drugs.
Sa interview namin kay Atty. Topacio, sinabi niyang humingi na sila ng tulong sa PNP-CIDG Cybercrime Unit para matunton kung sino ang nasa likod ng “pagpatay” kay Claudine. Ang nakakabahala pa rito, ginamit pa ang ABS-CBN sa pagpapakalat ng nasabing pekeng report.
“May nag-tweet pa sa akin ng link ng notice nga daw na may logo pa ng ABS-CBN… May litrato ni Claudine doon… Nakalagay, ‘Claudine Barretto, 1979-2014,'” sabi pa ni Atty. Topacio.
Tinawag pa nitong “cruel joke” ang ginawa kay Claudine na hanggang ngayon nga ay humaharap sa iba’t ibang kaso dahil sa kontrobersiyang kinasasangkutan nila ni Raymart at ng mga sister niyang sina Gretchen at Marjorie Barretto.
“Malis-yosong spam ‘to. Di ‘to nakakatuwang joke.. It’s a cruel joke. Huwag naman sanang ganito. ‘Yung mga taong may galit kay Claudine, huwag naman sana ganito,” pahayag pa ng abogado ng aktres.
“Alam niyo ba, may isang fan pa si Claudine, si Ate Virgie ‘yung tawag nila doon, na inatake sa puso dahil akala niya totoo. Kaya nakakaperwisyo talaga,” dagdag pa niya.
Kung matatandaan, inakusahan ni Raymart ang nakahiwalay na asawa na gumagamit ng ilegal na droga, pero nag-negatibo ang isinagawang drug test sa aktres.
( bandera.ph file photo )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.