MUKHANG effective ang Operation Lihis.
Nawawala na sa eksena ang mga bigating tao dahil sa paglabas ng iba’t ibang listahan.
Lahat ay isinasabit sa listahan, mapa-senador, kongresista at maging ang mga kaibigan ni Pangulong Aquino.
Mukhang totoo ang kuwento sa isang umpukan, banatan na lahat wag lang si Aquino.
Kapag si Aquino kasi napikon, tiyak mapapaaga ang pagpasok sa selda ng mga naunang sumabit.
Isang estratehiya ng mga guilty ay ang manggulo para mapatagal ang pagpasok nila sa ob-lo.
Hindi kaya mas lalong naging delikado ang buhay ng inaakusahang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles matapos siyang kumanta?
Kasi naman andami niyang pinangalanan na nagde-deny na nagbigay sila ng pondo sa bogus na non-government organization ni Napoles.
Ngayon, marami ang naiinis sa kanya dahil kahit yung mga hindi umano kumita sa scam ay kasama sa listahan.
Sila ay kasama pero hindi kasali.
Marami ang nagtitiwala na ang paglabas ng magkakaibang listahan ay bahagi ng estratehiya para guluhin ang imbestigasyon.
At mukhang nagtagumpay ang panggugulo.
Ang nakakatakot lang, baka patahimikin si Napoles para hindi na maitama kung ano man pagkakamali sa kanyang listahan.
Kapag napatahimik si Napoles, marami ang naniniwala na matutuldukan na ang mga imbestigasyon. Tatahimik na rin ang iba pang nagsasalita sa takot.
Kaakibat naman ng iba’t ibang bersyon ng listahan ang pagkuwestyon sa kredbilidad ni Napoles. Bakit nga naman daw papaniwalaan ang magnanakaw, eh kapatid nito ang sinungaling?
At merong nagtatanong, parang hindi daw nila nakita ang pangalan ni Gigi Reyes, ang chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile, na nauna nang idinawit sa scam.
Ano raw ba ‘to? Save the Queen operation?
Parehong nag-deny si Mike Enriquez at Korina Sanchez na nakatanggap sila ng cash gift mula kay Napoles. O baka hindi nila alam na galing pala ito kay Napoles.
Baka nga naman wala silang natanggap. Baka sila ay nabukulan, na isa na yatang kalakaran sa industriya ng media.
Ang ipanghingi ka ng hindi mo alam. Kaya huwag mong agad na magpapaniwala sa mga humihingi gamit ang pangalan ng mga media man.
Sa mga ganitong pagkakataon, ipa-ubaya na lamang natin kay karma, ang paghihiganti.
Mainit na nga ang panahon, lalo pa sigurong iinit kung mawawalan ng kuryente.
At nang mag-brownout noong isang linggo, pinaandar ng ilang mall operators ang kanilang mga diesel generators para hindi na sila kumuha ng kuryente sa isinusuplay ng mga planta ng kuryente.
Kinapos kasi ng suplay kaya magtatagal ang brownout kung kukuha pa ng kuryente ang mga mall.
Kaya lang hindi dapat magpasalamat ang publiko sa mga mall, kasi tayo naman ang magbabayad ng nadagdag sa kanilang ginastos sa paggawa ng kuryente.
Para sa komento o tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.