KUNG ang bansang ito ay Japan, ang mga napangalanan sa listahan ni pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles ay nagpakamatay na.
Sa Japan, ang mga government officials na nabistong nagkaroon ng malaking kasalanan sa taumbayan ay kumukuha ng espadang Samurai.
Ang espadang Samurai ang ginagamit nila sa pagsaksak sa kanilang tiyan at habang nasa loob ay iniikot ang matalim na blade sa paglaslas hanggang sa lumabas ang kanilang laman-loob.
Pero hindi Japan ang Pilipinas. Dito sa ating bansa, karangalan para sa isang government official na taguriang corrupt.
Uulitin ko ang sinulat ko sa nakaraang column: Lumalabas na mas korap ang mga senator-judges na humusga kay dating Chief Justice Renato Corona.
Much, much more corrupt.
Ang tanging kasalanan lang ni Corona ay ang hindi niya pagbigay ng tamang report sa kanyang statement of assets, liabilities and networth (SALN).
Ang senator-judges na humusga sa kanya ay nangulimbat ng pera sa kahon ng taumbayan.
Ngayon, sino ang may mas malaking kasalanan, ang magreport ng maling SALN o magnakaw ng pera ng taumbayan?
Kapag ikaw ay nakatira sa bahay na puro salamin ang dingding, huwag kang pumukol ng bato sa bahay ng iyong kapitbahay.
Yan dapat ang inisip ng mga mararangal nating senador bago nila hinusgahan si Corona.
Napakabilis ng karma na bumalik sa mga senador, at maging sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan, na nagpasa ng impeachment laban kay Corona sa Senado upang siya’y litisin.
Isa sa mga mambabatas na nasa listahan ni Napoles ay dating colonel ng Army na aking kaibigan.
Disappointed ako sa kanya dahil akala ko ay matino siya.
Dinalaw ko siya minsan sa kanyang opisina noong siya’y colonel pa noong kapanahon ng Pangulong Marcos.
Ipinakita niya sa akin ang isang aquarium na may ilang piranha na nanggaling pa sa Amazon River ng South America.
Ang isdang piranha kapag sila’y isang daan ay puwedeng ubusin ang isang tao at gawing kalansay sa ilang segundo. Ganoon kasiba ang mga piranha.
Binigyan ng colonel ng pangalan ng mga heneral noong mga panahong yun ang isa-isa sa mga piranha.
“Mon, ito ay si General______, ito naman si General _____, at yung nasa sulok ay si General_____,” sabi ng colonel.
Ang mga binanggit niyang mga generals ay pawang humahawak ng mataas na puwesto sa Armed Forces na may mga reputasyon na korap.
Noon yun, circa 1986, ilang buwan bago mag-Edsa People Power Revolution kung saan malaki ang ginampanan ng nasabing colonel.
Malaki ang naging pagbabago ni Colonel na ngayon ay isa nang mambabatas.
Tingnan mo nga naman ang nagagawa ng kapangyarihan.
Bakit pa nakikialam itong si dating Sen. Ping Lacson sa Napoles list samantalang dapat ay inaasikaso niya ang mga biktima ng Super typhoon “Yolanda?”
Si Lacson ay nahirang na rehabilitation czar ng Eastern Visayas na sinalanta ng pinakamalakas na bagyo sa buong mundo on record.
Sana ay ibang tao na ang pinagawa niyang mag-expose ng mga nasa listahan ni Napoles dahil siya’y maraming trabaho.
O, dapat ay binalewala niya ang listahan dahil ito’y hindi nilagdaan ng nagbigay sa kanya na si Jimmy Napoles, asawa ni Janet Lim Napoles.
Ano naman ang silbi ng isang listahan na sisira sa reputasyon ng maraming tao, lalo na yung mga dating kasamahan ni Ping sa Senado, kung ito’y walang lagda o signature?
Siguro di mapigilan ni Ping ang makisali sa gulo dahil nami-miss niya ang pagharap sa TV camera at makita ang pangalan niya sa mga diyaryo.
Mababaw pala ang kaligayahan ni Ping.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.