PINATUNAYAN ni Donnie “Ahas” Nietes na kaya niya si Moises Fuentes ng Mexico nang kunin ang kumbinsidong 9th round technical knockout panalo at mapanatiling suot ang WBO light flyweight title noong Sabado ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Apat na segundo na lamang ang nalalabi bago matapos ang round nang nahuli ng ‘overhand’ right ni Nietes ang panga ni Fuentes para pasubsob na tumumba ito sa ring.
Dahil ito ang ikatlong pagbulagta ni Fuentes sa round, tuluyang tinapos ni referee Robert Byrd ang laban para sa ikaapat na matagumpay na pagdepensa sa titulo ni Nietes.
Naisantabi rin ng 31-anyos na tubong Murcia, Negros Occidental ang pagkakatabla ng dalawang boksingero sa unang pagtutuos na nangyari noong Marso 2, 2013.
“Napatunayan ko na marahil sa panalong ito na hindi ako mahina,” wika ni Nietes na umangat sa 33 panalo sa 38 laban at may 19 knockouts.
Ikalawang sunod na KO panalo ito ni Nietes matapos kunin ang third round TKO panalo sa isa pang Mexicano na si Sammy Gutierrez noong Nobyembre 30 sa Smart Araneta Coliseum.
Isang bagay na ipinakita sa labang ito ni Nietes na hindi niya nagawa ay ang pag-atake sa katawan ni Fuentes.
Lumabas na mahina pala rito ang Mexican challenger dahil ininda nito ang mga tama galing sa nagdedepensang kampeon.
Matapos ang palitan sa pagbubukas ng ikasiyam na round ay nakatama sa katawan si Nietes bago sinundan ng kanan sa ulo upang mamilipit si Fuentes habang nakaupo sa ring. — Mike Lee
(CDN PHOTO/LITO TECSON)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.