BIG deal sa mag-asawang Juaniilo (Jun) at Ning Martinez ang magkaroon ng sariling bahay.
Gaya ng karamihang mga overseas Filipino workers (OFWs), isa ito sa nakalista sa nais maipundar kung kayat nagpapakahirap sa abroad para kumita ng pera.
Ang pagkakaroon ng sariling bahay, para sa ating mga OFW, ay pagpapaalala ng kanilang pinagpaguran sa ibayong dagat.
Pitong taon nang nagtatrabaho bilang foreman si Jun sa isang construction company sa Saudi, Arabia.
May ahenteng nag-alok sa kanila.
Dala ang magandang brochure at flyer, naeengganyo silang kumuha sa AJEM Properties & Development Corporation ni Elmer Mallorca, na presidente nito, at may opisina sa Unit E, 2/F Orange Bldg., 310 Zabarte Road, Bgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Kwento ng mag-asawa, takot silang madenggoy kung kayat nagsaliksik muna raw sila sa naturang project ng Ajem.
Tiningnan nila ang mga litrato nito sa Facebook. Napili nila ang isang House & Lot na may contract price na P1.35 milyon at matatagpuan sa Mystical Rosa Villa sa Brixtonville, Camarin, Caloocan City.
Nagbigay sila ng reservation fee na P20,000 noong April 2012 at buwan-buwang hinulugan ng P10,000 mula May 2012-Sept. 2012. P10K noong Nov. 2012 at 15K noong January 2013.
Noong February 2013 pinuntahan nila ang naturang site at nagulat na lamang sila na wala pang naitatayo ang Ajem. Doon sila nagdesisyon na umurong na lang at kunin ang mga naibayad na pera dahil hindi nga ito tumugon sa kanilang kasunduan.
Pumayag na rin silang iawas na ang reservation fee. Inaasahan nilang isosoli ni Mallorca noong Mayo 2013 ang P55,000 (gayong P95,000 ang kwenta namin) na kanilang naibayad, ayon na rin sa promisory note na pinirmahan nito, kasama ng isang Edwin Sicat, bilang witness.
Pero isang taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin ito naibibigay ni Mallorca.
Puro pangako lang.
Noong Nobyembre 2013 pinuntahan ng mag-asawa ang naturang site, ngunit wala pa ring bahay na naitatayo. Pati ‘anya opisina sa Novaliches, nagsara na rin.
Nitong Marso, nagpadala ng mensahe ang Bantay OCW kay Mallorca sa pamamagitan ng SMS. Ipinasosoli natin ang buong halagang naihulog ng mag-asawang Martinez. Ang text niya noong March 21, 2014/ 2:15 PM “Ok copy, I will refund her money once my fund was release that I expected this coming second week of April”.
Muli natin siyang tinanong kung anong eksaktong petsa sa April ang kanyang pangako.: Sabi niya noong April 8, 2014/ 2:54 PM: “After Holy Week pa”. Inulit ng Bantay OCW kung anong petsa. Sagot niya: “April 30”.
Mula March 21 hanggang April 30, nangako siya sa RADYO INQUIRER na isosoli ang pera ng mga Martinez.
Nagpa-asa, nag-pahintay lamang ito ngunit hindi tumupad si Mallorca sa perang ipinasosoli sa kanya.
Matapang pa si Mallorcaa nang matawagan ng Bantay OCW. Sabi niya wala siyang nilolokong tao at hindi siya natatakot kahit saan siya isumbong nang mga Martinez.
Iyon naman pala, wala naman pala siyang nilolokong tao bakit may nagrereklamo? Bakit hindi niya natupad ang pangakong bahay? Bakit ipinababalik ang pera nila na hindi niya maisoli? Nasaan ang opisina? Bakit nagsara? Hindi makontak ang mga numerong kanyang ibinigay (419.1625 at 417.7255).
Ang nakakatakot nito baka hindi lang ang mag-asawa ang may ganitong reklamo kay Mallorca?
Kung sino man ang may reklamo sa Ajem maaari po kayong magtungo sa Bantay OCW upang pormal ninyong maisampa ang inyong reklamo sa tanggapan ni Vice President Jejomar Binay na siyang housing czar at Presidential Adviser on OFW Concerns.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.