SI Pangulong Aquino na mismo ang nagsabi na sa halalan (hangalan na naman) sa 2016, lamang ang mga opisyal ng kanyang administrasyon dahil hindi maitatanggi na mas marami silang nagawa kesa mga opisyal ng kalaban. Oo nga naman. Totoo iyan. Mas maraming nagawa ang administrasyon ng tuwid na daan kesa sa panunungkulan ng mga kaaway. Kaya naman, puwede nang isailalim sa tsek at ekis ang ilang pagsusuri na malapit at nauunawaan ng arawang obrero, ng taumbayan. Maguindanao massacre at iba pang media killings: sa kasabay na press conference nina Aquino at US President Barack Obama, tinanong ng reporter ng Fox News ang anak nina Ninoy at Cory kung bakit 26 na journalists ang pinatay sa kanyang panunungkulan. Di mapasusubaliang nabigla si Aquino dahil ang tanong na ito ay mula sa galit na mga mamamahayag na kasapi ng National Press Club at mga kalaban ni binatang lider. Ang sagot ni Aquino ay 52 journalists ang namatay sa massacre. Ayon sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines, 32 journalists ang namatay sa massacre, at ang iba ay hindi; at ang kabuuang namatay ay 58. “The fact that the Filipino president cannot get the facts right on this very significant case, which has been campaigned on heavily during his watch, is beyond comprehension,” ani acting Asia Pacific Director Jane Worthington, ng International Federation of Journalists.
Hatol: ekis.
Ayon sa survey ng kakamping Social Weather Stations, isa sa dalawang Pinoy ang nagsabi na mas pinaglilingkuran ni Aquino ang interes ng middle class kesa mayayaman at mahihirap. Malaking sampal ito sa administrasyon ng “Walang korap, walang mahirap.” At baka hindi maniwala sa resulta ng survey si Social Welfare Secretary Dingky Soliman, na bilyones na, at kukuha pa ng bilyones, mula sa taumbayan para ilagay sa conditional cash transfer program at ipamudmod sa mahihirap. Pero, maaaring maniwala si Labor Secretary Rosalinda Baldoz, na nagsabi, base sa estadiska ng maliit na ahensiya sa ilalim ng Department of Labor and Employment, na dumami at tumaas ang bilang ng mga walang trabaho, lalo na ang underemployment Hindi rin maniniwala ang ilang mayayaman, na labis-labis na ang pakinabang sa gobyernong dilaw.
Hatol: ekis.
Inilarawan ni Aquino na ambisyon ang panukala ni Sen. Antonio Trillanes IV na bigyan ng malaking umento ang mga kawani sa gobyerno at ipantay sa natatanggap ng kapwa manggagawa na nasa pribadong sektor. “It is our ambition. The question is, can we do it?” tanong ni Aquino. Naghain ng panukalang batas si Trillanes na nagtatakda sa minimum na P16,000 buwan-buwan ang suweldo ng pinakamababang kawani sa gobyerno, at aabot sa P1 milyon para sa pangulo, ang pinakamataas na kawani. Sa nakalipas na nagmumurang selebrasyon ng Mayo 1 sa kalye, hindi kalatha-lathala sa pahayagan ang mga sinabi ng mga militante. Pero, di maikakailang konti na lang ang bilang ng mga manggagawang sumama sa rally. ‘pagkat konti na rin ang may trabaho, ang bilang ng mga manggagawa.
Hatol: ekis.
Sa kabila ng pagkabalam ng pamamahagi ng mga bagong plaka at sticker ng Land Transportation Office at Department of Transportation and Communication (Caviteno pa man din ang hepe nito, nakahihiya), pagsapit ng 2016, lahat ng sasakyan at motorsiklo ay puwersahang bumili at ikabit ang mga bagong plaka. Sa motorsiklo, dalawang letra at limang numero. Malaking pahirap ito sa mga rider, na meron nang dating mga plaka. Ang mga rider ay arawang obrero. Sila ang unang biktima ng pagtaas ng presyo ng pagkain, tubig at kuryente. Sila rin ang unang biktima kapag itinataas ang presyo ng gasolina. Nang dahil sa walang plaka at sticker, na hindi naman nila kasalanan, sila, ang mga rider, ang araw-araw na biktima sa checkpoint. Bukod sa nabibimbin ng ilang minuto (sa bawat lungsod sa Metro Manila ay may dalawa hanggang apat na checkpoint), kinokotongan din sila ng mga pulis na nag-iipon ng pananghalian (kapuna-puna na mas marami at mas madalas ang checkpoint sa pagitan ng alas-10 ng umaga at alas-11:30 ng umaga).
Hatol: ekis.
Umabot sa 40% ang nakuha ni Vice President Jejomar Binay sa presidential survey. Ang manok ng administrasyon, lalo na nina Aquino at Transportation Secretary Emilio Abaya, na si Interior Secretary Mar Roxas ay 6% lamang. Bakit naman ganoon kababa? An gaga namang hinatulan si Roxas; di ba’t nakaaawa na si Roxas ngayon pa lamang? Paano siya babawi gayung dalawang tulog na lang? Paano niya mapababa ang mataas na bilang ng krimen, na ang huling pinatay ay si Chief Engineer William Velasco, 34, ng Jose Reyes Memorial Center, na binaril at napatay sa Caloocan (ayon sa ama ng biktima balak magbitiw ang kanyang anak sa tanggapan dahil sa talamak na katiwalian). Napundi na si Quezon City Police District director Chief Supt. Richard Albano sa kotongerong mga pulis niya na ang huling mga biktima ay ang magsing-irog na nag-uusap sa loob ng nakaparadang sasakyan sa New Manila. Kinotongan ang dalawa ng P20,000. Ang pamilya ng babae ay kaibigan ng tagapagsalita ng PNP, na si Chief Supt. Reuben Theodore Sindac.
Hatol: ekis.
Mauubusan ba kayo ng ekis?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.