UMABANTE ang Rain or Shine Elasto Painters sa semifinals matapos maitakas ang 97-96 overtime panalo laban sa Meralco Bolts sa kanilang 2014 PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup do-or-die quarterfinals game kahapon sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ang Elasto Painters, na nakakuha ng magandang paglalaro mula sa import nitong si Wayne Chism, ay nagwagi sa best-of-three series kontra Bolts, 2-1.
Ang susunod na makakasagupa ng Rain or Shine ay ang walang talo at top seed team na Talk ‘N Text sa best-of-five semis series na magsisimula bukas.
Nagdomina sa laro si Chism matapos na magtala ng conference-high 37 puntos kabilang ang 21 rebounds, apat na assists, dalawang steals at tatlong blocks para tulungan ang Elasto Painters na makapasok sa semifinals, na ikatlong sunod ng prangkisa at ikalima sa huling anim na kumperensiya.
Ito rin ang kauna-unahang pagpasok sa PBA Commissioner’s Cup semifinals ng Rain or Shine. Si Paul Lee ay nag-ambag ng 18 puntos para sa Rain or Shine kung saan nakatuwang niya sina Chism at Jeff Chan sa paggawa ng puntos sa overtime.
Nakalamang ang Rain or Shine ng 11 puntos, 85-74, may apat na minuto na lamang ang nalalabi sa ikaapat na yugto nang magsanib puwersa sina Jared Dillinger, Sunday Salvacion at Gary David para pamunuan ang 11-0 ratsada ng Bolts na pinangunahan ng baseline jumper ni David na nagpatabla sa iskor sa 85-all may 4.4 segundo sa laro.
Hindi naman nahawakan ni Chism ang bola sa pagtatapos ng regulation para mauwi ang laban sa overtime. Ibang Rain or Shine naman ang nakita sa overtime kung saan nagtulungan sina Chan at Chism para ibigay sa kanilang koponan ang
anim na puntos na bentahe, 91-85, may 3:24 ang natirira sa laro.
Samantala, umusad din sa semifinals ang San Mig Coffee Mixers matapos patalsikin ang Alaska Aces, 79-65. Si Peter June Simon ay gumawa ng 21 puntos para pamunuan ang San Mig Coffee. Makakaharap ng Mixers ang Air21 Express sa semifinals.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.