MULING naiwagayway ang bandila ng Pilipinas sa Le Tour de Filipinas matapos pangunahan ng best Filipino finisher noong nakaaraang taon na si Mark Galedo ng 7-Eleven Road Bike ang Stage Two ng four-day bikefest kahapon na nagsimula sa Clark, Pampanga at nagtapos sa College of the Immaculate Concepcion sa Cabanatuan City.
Ang karera ay pinaglabanan sa 175 kilometro at ito ang pinakamahabang ruta sa international bike race na handog ng Air21 katuwang ang Ube Media at suportado rin ng Smart, NLEX, SCTEX, TOPEX, BCDA, Petron, Victory Liner at M. Lhuillier.
Napahirapan pa si Galedo ng kakulangan ng suporta mula sa kanilang team vehicle sa huling 25 kilometro ng bakbakan matapos na maipit ito sa likuran ng mga siklista.
Pero katuwang si Cris Joven, pinagtiyagaan nila na sabayan ang 15-man lead pack na nagkasama-sama dakong Dolores, Pampanga bago kumawala si Galedo sa huling walong kilometro tungo sa solong pagtawid sa meta.
“Mayroon pa naman akong tubig pero dahil sa init ng panahon ay mahirap nang ubusin agad kaya naghintay ako kung may darating.
Pero walang dumating kaya ang inisip ko lang ay kailangang manalo rito dahil mga Filipino kami,” wika ni Galedo na kinuha ang karerang itinakbo sa patag na kalsada gamit ang SCTEX at TPLEX sa bilis na apat na oras, 14 minuto at 34 segundo.
Lalabas ang 28-anyos na tubong Mandaluyong City bilang ikaapat na Filipino rider na nanalo ng stage pero ang unang tatlo na sina Oscar Rendole, Arnel Quirimit at Joel Calderon ay umani ng karangalan noon pang 2012.
Si Joven, na nagsakripisyo muna nang bantayan ang ibang siklista para makaalagwa si Galedo, ay tumapos sa ikatlong puwesto nang kapusin sa rematehan nila ni Park Sungbaek ng KSPO Continental team ng Korea.
“Dinepensahan ko si Mark para di siya mahabol. Team tactic namin ito kaya ang pinuntirya ko na lamang ay second o third,” pahayag ni Joven, na kasama si Park at 10 iba pang siklista, ay may identical time na 4:15:21.
Ang Stage One winner at overnight leader sa karerang binuhay ni PhilCycling chairman Bert Lina noon 2010 na si Earl Timothy Sheppard ng OCBC Singapore Continental Team ay nabantayan at tumawid sa ikaapat na grupo ng mga siklista.
( Photo credit to inquirernewsservice )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.