Coloma butata sa mga pasahero ng MRT | Bandera

Coloma butata sa mga pasahero ng MRT

Bella Cariaso - April 13, 2014 - 03:00 AM

NITONG Biyernes, humingi ng paumanhin si Press Secretary Herminio “Sonny” Coloma matapos siyang mabatikos ng kaliwa’t kanan ng mga mananakay ng MRT. Biruin ba naman kasi ninyo magsalita itong si Coloma na humanap na lamang daw ng alternatibong masasakyan gaya ng mga bus ang mga pala-angal na pasahero ng MRT.

Sino nga ba naman ang hindi kukulo ang dugo sa ganitong pahayag ni Coloma o ng isang indibidwal na mukhang hindi pa yata nakaranas makasakay ng MRT. Kaya hayun butata siya at hindi nga maharap ang hamon sa kanya ng mga mananakay ng MRT na subukang sumakay dito at nang makita niya ang penitensiyang dinaranas araw-araw ng bawat mananakay rito.

Palusot pa itong si Coloma na kesyo ramdam naman daw ng Malacañang ang pasanin ng mga mamamayan sa tuwing sumasakay sa MRT.

Dapat malaman ng gobyerno na bukod sa sakripisyong dulot ng MRT, nakakapagpadagdag pa ng galit sa mga mananakay ay ang tila pagiging untouchable ni MRT general manager Al Vitangcol III.

Nagtitiis na nga ang mga Pinoy sa pagsakay ng MRT, nagpupuyos pa ang kanilang damdamin kung bakit hindi man lamang kayang makanti nito si Vitangco sa kabila ng alegasyon ng tangkang pangingikil ng $30 milyon.

Kung ipinipilit ng Malacañang na may proseso at dapat mapatunayan muna na talagang tinangka ni Vitangcol na mangikil, hindi pa batayan ang kanyang hindi magandang pamamalakad sa MRT para siya sibakin sa puwesto?

Hindi magiging kaliwa’t kanan ang mga reklamo sa operasyon ng MRT kung maayos lamang ang pamumuno ni Vitangcol.

Ano nga ba ang meron kay Vitangcol at hindi masibak-sibak ni PNoy? Kayo na ang sumagot!

SA laban ngayong araw ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao kay Timothy Bradley, hindi lang nito pag-iisahing muli ang mga Pilipino kundi magsisilbing pag-asa’t inspirasyon para sa lahat.

Kung may nag-iisang tao na napakalaki ng impluwensiya sa mga Pinoy ay walang iba kundi si Pacman.

Hindi ba’t kahit ang mga pulis at mga sundalo ay nagpapasalamat tuwing laban ni Pacquiao?

Paano naman kasi, kapag laban ni Pacquiao, kapansin-pansin naman na malinis ang kanilang mga blotter, wala raw krimen sa lansangan.

Lahat kasi ay tumitigil sa kanilang ginagawa kapag laban ni Pacquiao dahil lahat ay nakatutok para matunghayan kung mapapatumba o matatalo niya ang kanyang kalaban.

Naisasantabi muna ang pagkakaiba ng mga Pinoy sa tuwing lumalaban si Pacquiao.

Lahat ay nananalangin na maiuwi niya muli ang panalo laban kay Bradley. Hindi matatawaran ang hatid na pag-asa ni Pacquiao tuwing siya ay lumalaban, lalo pa’t meron siyang titulong makukuha o mababawi.

Bagamat maraming pulitiko ang sasakay na naman sa kasikatan ni Pacquiao, natutuwa ang lahat dahil muli, pinagkakaisa ni

Pacquiao ang lahat ng mga Pilipino sa kanyang laban.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa reaksyon at mga tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending