ISA pong pagbati para sa Aksyon Line at sa bumubuo ng inyong pahayagan. Tawagin niyo na lang ako na Jayvee na nagtatrabaho sa isang restaurant dito sa Brgy Molino, Bacoor, Cavite.
Bagaman hindi pa naman po kalakasan ang restaurant na aking pinagtatrabahuhan ay kumikita naman po ito dahil madalas na nagkakaroon ng mga events dito o kadalasan tuwing may okasyon gaya na lamang ng birthday o baptismal ay dito po sila sa pinagtatrabahuhan kong restaurant nagsi-celebrate. Ito po ay bukas 24 oras.
Bagaman shifting, ay madalas sa gabi po ang duty ko dahil binata naman daw po ako sabi ng amo ko. May dalawang taon na po akong nagtatrabaho dito at sumusuweldo naman po ng minimum. Pero sabi po ng kaibigan ko dapat daw ay binabayaran din ako ng night shift differential na hindi ko naman natatanggap sa pagtatrabaho ko rito.
Tama po ba na dapat ay may dagdag na bayad ang pagtatrabaho ko sa gabi. Ano po ang dapat kong gawin?
Jayvee
REPLY: Para sa iyong kaalaman Jayvee, ang night shift differential ay karagdagang bayad sa pagtatrabaho sa gabi na hindi bababa sa 10% ng regular na sahod sa bawa’t oras ng pagtatrabaho sa pagitan ng alas-10 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
Nakasaad sa artikulo 86 ng Labor Code na ang benipisyong ito ay sasaklaw sa lahat ng manggagawa maliban sa mga sumusunod:
1.Government employees, kabilang na rin ang mga kawani sa Government Owned and Controlled Corporations (GOCC’s)
2. Ang mga nasa retail and service establishments na karaniwang nag-eempleyo ng hindi higit sa limang manggagawa
3. Mga kasambahay o mga taong nagbibigay ng personal service
4. Managerial employee o opisyal o miyembro ng managerial staff
5. Field personnel o mga empleyado na hindi matiyak ang aktwal na oras ng pagtatrabaho sa labas.
Sa kaso mo Jayvee ay maaari mong tanungin ang iyong employer sa benipisyo na dapat na ibigay sa iyo. Ngunit sakaling magmatigas ang iyong employer na hindi ito ibigay ay maaari kang pumunta sa pinakamalapit na field office ng DOLE sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan. Dito ay may labor officer na susuri sa iyong kaso.
Agad namang ipatatawag ng DOLE ang may-ari ng restaurant para suriin ang dahilan ng hindi pagbiibigay ng beneipisyo na dapat mong makuha o natanggap.
Narito ang ilan lamang sa computation ng Night Shift Differential Work On Pay equals
Ordinary day 100% or 1 Sunday or rest day 130% or 1.3
Special day 130% or 1.3
Special day falling on rest day 150% or 1.5
Regular holiday 200% or 2 Regular holiday falling on rest day 260% or 2.5
Double Holiday 300% or 3
Double holiday falling on rest day 390% or 3.9
Nicon Fameronag
DOLE Director
for Communications
Spokesperson
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag- lingkuran sa abot ng aming makakaya.
Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City.
Maaari rin kayong mag-email sa [email protected] or [email protected] Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.