Tara na sa Downtown! | Bandera

Tara na sa Downtown!

Ige Ramos - April 07, 2014 - 02:18 PM


Tanungin mo ang isang taga-Pampanga kung ano ang ipinagmamalaki ng kanilang probinsya at tiyak ang isasagot niya sa iyo ay ang kanilang masasarap na putahe.

Tiyak, maging ikaw ay kinagigiliwan ang kanilang estilo ng pagluluto–lutong-bahay man ito o tradisyunal o imbento. Kaya di kataka-taka na marami sa mga pinagpipitaganang kusinero at celebrity chefs ng bansa ay mula roon.

Isa sa mga anak na maipagmamalaki ng Pampanga ay ang painter, furniture desiger, food writer at chef na si Claude Tayag.
Si Claude at ang kanyang kabiyak na si Mary Ann Quioc ang nasa likod ng Bale Dutung, isa sa mga pinakasikat na restaurant sa Pampanga na talaga namang dinadayo ng mga kostumer na pihikan at may mataas na antas ng panlasa pagdating sa masinsinang kainan.

Kamakailan ay binuksan ng mag-asawang Claude at Mary Ann ang Downtown Cafe by Bale Dutung sa Nepo Quad, Angeles City, Pampanga. Pagdating mo pa lamang sa lugar ay mamamangha ka na sa pagka-aliwalas ng restaurant.

Ayon kay Claude, nais niyang ipanumbalik ang panahon ng Dekada 50 kung saan sumikat ang mga kainan, mga sinehan at sentro ng kalakalan, sa Downtown Manila, lalung-lalo na sa Avenida Rizal noong hindi pa nauuso ang mga malls.

Kapansin-pansin ang mga palamuti mula sa mga karatula na nagtataglay ng mga lumang patalastas, mga muwebles at kosas na nagpapahiwatig ng sinauna ngunit masayang panahon, tulad ng mga awiting Rock n’ Roll ni Elvis Presley, ang Cadillac at ang soda fountain.

Nakasentro rito ang gumagana at tumataginting na 1956 Jukebox, ang taon ng kapanganakan ni Claude. Siyempre, kung ganito kagarbo ang palamuti ay hindi magpapahuli ang pagkamalikhain at sarap ng pagkain na kanilang alay.

Binisita ng Bandehado ang Downtown Cafe at ang mga sumusunod ang aming rekomendasyon:
*Trianggulos.
Ang Triangulos ay hango sa Samosa, isang tradisyunal na lutuing Indiano. Pero imbes na patatas na tinimplahan ng curry ang laman nito,  pinalamanan ito ng  tinapa, spinach, kesong puti at pili nut na may kasamang tomato sofrito bilang dip.

*Pancit Patita
Para naman sa mga mahilig sa pata humba at pancit, huwag nang lumingon pa sa iba dahil nasa kanila ang Pancit Patita. Ito ay stir-fried noodles o pancit na nilahukan ng pata humba na perpekto ang tamis at alat.

Bringhe–The Rice Pizza
Isa sa mga popular na putaheng pang-fiesta ng Pampanga ang Bringhe at isa sa mga pinakapopular na pagkain sa buong mundo ang Pizza! Hindi naman pinagbabawal kung pagsamahin sila, hindi ba? Kaya meron silang  Bringhe–The Rice Pizza. Tutong pa lang, ulam na!

*Pork Belly Adobo Confit
Kung ang hilig mo naman ay pork dishes, subukin ang Pork Belly Adobo Confit, kung saan ang makakapal na hiwa ng liempo ay inasinan at niluto nang dahan-dahan sa loob ng dalawang oras na may malutong na balat at may kasamang inihaw na talong at mango salsa.

*Duck
Para sa mga taong mahilig sa pato, marami kang pagpipiliang lutuin tulad ng Duck Batchoy, Duck Caldereta, at Duck Confit with Mango Sauce. Tip: Ito ang paboritong kainin at lutuin ni Chef Claude kaya talagang pinaghandaan at pinasarap niya ang mga ito.

*Dessert
Para sa panghimagas, lasapin ang mga maliliit na Pecan Tartlets na may kasamang Salted Caramel Ice Cream at ang kanyang Halo-halo na “pang-manyaman” na may Crema de Pastillas.

Ang Downtown Café by Bale Dutung ay matatagpuan sa Plaridel Street, Nepo Quad, Angeles City, Pampanga. Mobile phone: (+63) 917­5359198.

Duck Confit
ISA sa mga paboritong lutuin ni Claude Tayag ang duck confit. Ang duck confit ay isang lutuing Pranses na ginagamitan ng hita ng pato. Isa itong tradisyunal na lutuin na espesyalidad ng rehiyon ng Gascony.

Gamit ang asin, ang tradisyong ito ay may mahigit na isangdaang taong ginagawa bilang pagpepreserba ng karne ng pato, gansa, o baboy bago pa man naimbento ang refrigerator.

Sa modernong paghahanda ng confit, ang hita ng pato ay kinukuskusan ng bawang, yerba na tulad ng thyme at asin saka ibinabaon sa sisidlan na puno ng asin at inilalagak ito sa loob ng refrigerator ng dalawang araw.

Ang pag-iimbak sa asin o salt-curing process ay siyang tutulong sa pagpepreserba nito. Bago ito lutuin, dapat banlawan ang naiwang asin sa balat ng hita ng pato at kailangang patuyuin ito nang mabuti sa pamamagitan ng pagdampi ng malinis na tuyong basahan o kitchen towel.

Ilagay ito sa isang baking pan na may sapat na lalim na nagtataglay ng mantika o sebo ng pato. Ilagay ito sa hurnohan o oven na may init na hindi lalampas sa 100 antas sentigrado, at lutuin mula apat hanggang walong oras.

Dito ang mga hita ng pato ay dahan-dahang maluluto nang banayad sa sarili nitong mantika. Pagkatapos, alisin ito mula sa oven at palamigin.

Kapag lumamig na ito, isiksik ang mga hita ng pato pati na rin ang mantika nito sa isang malinis na garapon o plastic na lalagyan. Siguraduhin na nakalubog ang mga hita ng pato na lampas ng isang pulgada upang ganap na mababad ito sa sebo at saka takpan.

Sa isang selyadong sisidlan, maaaring tumagal ang confit ng anim na buwan na nakaimbak sa loob ng refrigerator. Ang sebong pinagbabaran nito ay siyang magbibigay ng mayaman at malinamnam na lasa nito.

Sa klasikong resipi ng Pranses, ipiniprito ang hita ng pato sa kaunting sebo hanggang ang balat nito ay maging malutong at ginintuan.

Ang natirang sebo ay maaaring gamitin sa pagprito ng patatas na may pinitpit na bawang. Ang nasabing putahe ay kilala bilang pommes de terre à la sarladaise na talaga namang kinagigiliwan ng mga Pranses.

Sinasamahan nila ng pagkain nito ng ensaladang nilagang pulang repolyo at mansanas, kasama ang pulang vino bilang panulak.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at lugar. Salamat po.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending